Huwebes, Oktubre 18, 2012

Kwento ( Mitolohiya ng Pilipinas : Bersiyon ng Visayas )


            Ilang daang libong taon na ang nakakaraan, wala pang kalupaan sa mundo at tanging karagatan lang at malawak na himpapawid ang makikita dito. Sa ilalim ng karagatan ay ang kaharian ng napakagandang Bathalang si Maguayen, kasama niya ang kanyang anak na babae na si Lidagat. Sa likod naman ng mga ulap, ang kaharian ng magiting na Bathalang si Kaptan at ang anak niyang lalaki na si Lihangin. Isang kasalan ang naganap ng umabot sa hustong gulang ang dalawang anak ng mga bathala ayon na din sa kanilang kasunduan, di naglaon ay nagkaroon ng tatlong anak na lalaki at isang babae sila Lihangin at Lidagat. Ang panganay nila ay si Likalibutan; matapang, malakas at malaking nilalang na ang katawan ay gawa sa mga lupa at malalaking bato. Ang ikalawa ay si Liadlaw; gawa sa ginto ang katawan, masayahin, masunurin at gustong gusto niya na napapasaya niya ang mga magulang at kapatid. Ang ikatlo ay si Libulan; taglay ang katangian ng isang tingga, mahina ang pangangatawan, tahimik at mahiyain. Ang huli ay ang nag iisang anak na babae na si Lisuga; maganda, mabait at nagniningning dahil sa gawa ang katawan sa purong pilak. Masayang masaya sa kanilang mga anak sila Lihangin at Lidagat.
            Ibinigay kay Likalibutan ang pamamahala sa kaharian ng hangin ng pumanaw ang kanilang ama na si Lihangin, hindi nagtagal ay sinundan ni Lidagat ang kanyang kabiyak. Ilang taon makalipas ang pagpanaw ng mga magulang, dumalaw si Panlinugun; ang Bathala ng kailaliman, kay Likalibutan, kasama niya si Burigadang Pada Sinaklang Bulawan; ang Bathala ng kasakiman. Ipinagmalaki ni Likalibutan ang kanyang taglay na kapangyarihan sa dalawa, ngunit sinabi nila na higit na mas malakas ang taglay na kapangyarihan ni Kaptan na ama ng kanilang ama kung ihahambing sa kanya. Dahil sa kagustuhan na madagdagan pa ang kanyang kapangyarihan at sa pangbubuyo ng dalawa pang Bathala, nagplano sila kung paano makakapunta sa Kaitaasang Kaharian, sinabi nila Panlinugun at Burigadang Pada Sinaklang Bulawan na may kakilala si Saraganka Bagyo; ang bathala ng mga bagyo, na makakatulong sa kanya. Pinilit niya na tulungan siya ng kanyang dalawang kapatid na lalaki. Sa una ay ayaw pumayag ni Liadlaw sa plano ng kapatid na pagsugod sa Kaitaasang Kaharian kung nasaan si Kaptan at ang Kataastaasang Bathala na si Tungkong Langit. Sa huli ay napapayag na din siya dahil ayaw niyang magalit sa kanya ang nakakatandang kapatid, napapayag din nila si Libulan dahil din sa takot sa galit ni Likalibutan. Pinuntahan nila si Saraganka Bagyo ng magkasundo silang tatlo, naabutan nila ang Bathala na naglalaro at gumagawa ng isang malaking bagyo kasama si Ribong Linti; ang Bathala ng kulog, itinuro sila ng mga ito kay Barangaw; ang bathala ng bahaghari, hindi nila sinabi ang tunay na pakay ng pagpunta sa Kaitaasang Kaharian gaya ng bilin ng dalawang Bathala na nangbuyo sa kanila. Iginawa sila ni Barangaw ng isang tulay na gawa sa bahaghari, at tinungo na ng tatlong magkakapatid ang Kaitaasang Kaharian.
            Isang napakalaking pinto na gawa sa makapal na bakal ang bumungad sa kanila, sinira ito ni Likalibutan sa pamamagitan ng pagpapakawala ng tatlong malalaking buhawi, papasok na sila sa loob ngunit isang matalim na kidlat ang tumama sa lalakaran nila. Naglalagablab ang mga mata ni Kaptan sa galit dahil sa pagkakasira ng kanyang pinto, nangatog ang tuhod nila Liadlaw at Libulan ng maramdaman na nasa likuran na nila ang galit na Bathala. Nagpakawala ng limang buhawi at inihip ni Likalibutan ang pinakamalakas na hangin na ikinatalsik ni Kaptan sa kawalan, humugot pa ito ng isang malaking bato sa katawan at inihagis sa Bathala. Binasag niya sa pamamagitan ng kanyang kamao ang batong inihagis ng kanyang apo, lalo niyang ikinagalit ng malaman mismo sa apo ang dahilan ng pag punta, hinding hindi niya mapapalampas ang ganitong kalapastanganan sa kanya, pinatamaan niya ang tatlong apo ng mga matatalim na kidlat, sa sobrang bilis ng pangyayari hindi na nagawang makaiwas ng magkakapatid. Natunaw at nagkorteng bilog ang mga tingga at gintong katawan nila Libulan at Liadlaw, nabasag naman sa malalaki at maliliit na parte ang batuhang katawan ni Likalibutan at nahulog sa karagatan. Galit na binaba ni Kaptan si Maguayen at pinagbintangan na siya ang nag utos sa ginawang pag salakay ng tatlo sa kanya, pilit itinaggi ito ng magandang bathala at sinabing wala siyang kinalaman tungkol dito. Napadaan naman si Lisuga sa kinaroroonan nila Kaptan at Maguayen, balak niyang itanong sa dalawang Bathala kung nakita nila ang kanyang mga kapatid, ngunit nakita niya ang mga galit na galit na mata ni Kaptan na nakatitig sa kanya at bigla isang matalim na kidlat ang tumama sa kanya. Nakita nila na nagkadurog durog sa maliliit na piraso ang katawan na purong pilak ni Lisuga, hindi makapaniwala si Kaptan sa nagawa , nadala siya ng sobrang galit at nilamon ang kanyang pang husga, huli na ng bumalik sa katinuan ang kanyang isip. Ikinalingkot ng dalawang bathala ang trahedyang naganap, hindi na nila mababalik ang buhay ng kanilang mga apo kaya bilang paghingi ng tawad binigyan nila ng liwananag ang mga wala ng buhay na katawan ng mga apo. Ang ginintuang katawan ni Liadlaw ang ginawang araw at naging buwan naman ang katawan ni Libulan, mga bituwin naman sa langit ang nagkadurog durog na katawan ng kaawa-awang si Lisuga. Wala silang ibinigay na liwanag sa katawan ni Likalibutan, ito ay bilang parusa sa kasakiman nito pero ang mga nalaglag na katawan nito sa karagatan ay magiging kalupaan na siyang titirhan ng mga tao na kanilang lilikhain.
            Binigyan ni Kaptan si Maguayen ng buto upang itanim sa isa sa mga isla, makalipas ang ilang panahon tumubo ang isang halaman na kawayan at sa mga sanga nito lumabas ang isang lalaki na pinangalanan na Sikalak, Sikabay naman ang sa babae. Sila ang mga unang magulang ng mga tao, ang unang anak nila ay si Libo, ang sumunod ay babae na si Saman. Si Pandaguan ang pinakabatang anak nila ay maalam o matalino at ang unang bagay na kanyang inimbento ay isang panghuli ng isda. Isang pating ang unang isda na nahuli niya, labis niyang hinangaan ang kanyang nahuli at sa laki nito inakala niya na isa itong Bathala, kaya ng dalhin niya ito sa kanila inutusan niya ang mga tao dito na sambahin ito, kaya naman araw araw tuwing umaga at hapon ay iniikutan ng mga tao ang dambuhalang pating habang kinakantahan at dinadasalan. Ikinagalit ni Kaptan ang ganitong gawain, bumuka ang kalangitan at karagatan at lumabas ang dalawang Bathala, iniutos nila kay Pandaguan na itapon ang pating sa dagat at sila lang ang tanging dapat sambahin. Natakot ang lahat ngunit hindi si Pandaguan, naibulong niya sa sarili na ang pating ay kasing laki at nakakatakot tulad ng mga Bathala ngunit nagawa niya itong mahuli at mapatay, siguro maaari din niya itong magawa sa isa sa mga Bathalang nasa harapan nila ngayon at tiyak na sasambahin siya ng mga kanyang kasama. Narinig ito ng magiting na bathalang si Kaptan at nagalit, isang matalim na kidlat sana ang kanyang pakakawalan ngunit siya ay natigil ng hawakan ni Maguayen ang kanyang kamay, naalala niya ang pagkamatay ng kanilang mga apo dahil sa hindi niya napigilan ang sarili pero hindi dapat palampasin ulit ang ganitong kalapastanganan. Kaya pinatamaan niya si Pandaguan ng isang mahinang kidlat upang hindi mapatay ngunit sapat ng parusa sa kalapastanganan, pinarusahan din nila ang ibang mga tao at ikinalat sa ibat ibang isla, ang iba ay dinala sa hilaga kung saan inalis ng sobrang lamig ang kanilang mga pakiramdam, ang iba naman ay dinala sa timog kung saan sa sobrang init ay hinapo ang kanilang mga katawan, ang iba ay dinala sa silangan kung saan ang lupain ay walang mapagkukunan ng pagkain kaya napilitan silang kumain ng putik. Tatlumpung araw ang nakalipas ay nagbalik ang lakas ni Pandaguan at muling nakatayo pero ang katawan nito ay nasunog dahil sa kidlat ni Kaptan, naging kulot din ang kanyang mga buhok dahil sa pagkasunog at siya ang naging unang angkan ng tribo ng mga negrito.

Huwebes, Oktubre 11, 2012

Tula ( Tula)


Gusto kong gumawa ng isang tula
Ayoko ng salitang tumutugma
Mapaglaro kasi sa aking tenga
Simple, magaan, payak at masaya
Ang binabalak kong gawin na tema
Mababaw man ang gamit na salita
Ay upang maarok ng pang-unawa
At bilang ng pantig tiyak na wala
Mahirap na kasi iyong magawa
Matutuyot ang aking utak muna
Bago ko matapos ang aking tula
Saglit lang ang oras para magawa
Ang aking balak bago ko mawala
Kaya dapat na akong magsimula



Biyernes, Oktubre 5, 2012

Kwento ( Apok )


            Naririnig ko sa labas ang boses ni Berto kaya naman nilabas ko siya mula sa aking maliit na kubo. “Apok may naghahanap sayo.” Ang sabi ng nakangiting kababata ko, siya lang ang nag iisang nagtiyaga na kumausap sa akin dahil ang aking Ingkong ay kilalang mambabarang sa lugar namin. Siyam na taon pa lang ako ng mapunta ako sa lugar na ito. Sabi sa akin ng aking ina dati na magbabakasyon daw kami sa aming probinsiya, na kaming dalawa lang at bibisitahin namin ang tatay niya. Ilang oras lang ng kami ay dumating ng nagpaalam siya sa akin at sa ingkong ko na may bibilhin lang sa kabayanan na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik. Simula noon si ingkong na ang nag alaga sa akin, at para matanggap ko ang pag ulila ng aking ina sa akin isang mahika-negra daw o pagbabarang ang ituturo at ipapamana niya sa akin, hindi na masamang pampalubag loob di ba. Nagtataka ako noon kung ano yung mahika-negra pero nito lang nung mapagisip-isip ko na mahikang itim pala ang katumbas nun. Isang mahigpit  na utos ang ipinagbilin niya sa akin bago niya ako tinuruan ng pambabarang, ito ay ang huwag na huwag ko daw ibibigay ang tunay kong pangalan kahit kanino dahil pwede itong magamit ng mga mortal na kaaway ng mambabarang. Ang mangkukulam. Ito daw ang dahilan kung bakit gumagamit siya ng alyas na ingkong na ang ibig sabihin ay matanda o lolo, binigyan din niya ako ng alyas, apok o apo na may letrang k sa dulo at ito na daw ang gagamitin ko hanggang sa ako ay mamatay.  
“Magpapagamot daw, kinukulam daw ata siya.” Sabay turo niya sa kasamang lalaki na nakatayo sa likuran niya. Matangkad at mukhang magandang lahi ang pinagmulan, mukha din mayaman sa porma, magara din ang suot na damit at mukhang galing sa maynila kaya siguro nasabi ni Berto na malaking isda. Tiyak na mahihingan ko ito ng malaking halaga para sa serbisyo ko, minsan lang din kasi ako tumanggap ng ganitong mga kaso, mahal kasi ang singil ko sa kakaibang kaalaman na pinasa sa akin ng aking ingkong, pagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay talagang hanap buhay ko. Ang mga naani kong gulay ay ibinibigay ko kay berto para maibenta ng kanyang asawang si Alice sa palengke sa kabayanan, paghahatian naman naming ang napagbentahan. “Galing na yan kay Ka Belay kaso tinanggihan, ayaw ata mapagbalingan nung mangkukulam. Haha.” Paliwanag ni berto sa akin. Si matandang belay talaga ang kilalang albularyo sa amin, namana naman daw niya iyon sa kanyang ina na pinaniniwalaang mangkukulam noon. Nginitian ko si Berto at muling tinignan ang kasama niya. Mukhang ilang araw ng puyat ang lalaki, meron din siyang mga maliit na pantal na namumula sa mukha at mga kamay nito. “Sige pumasok ka sa loob.” Ang sabi ko sa lalaki at sumunod ito. “Ikaw na bahala diyan ha apok. Babalik na ako sa amin at baka hinahanap na ako ni alice, mag-gagapas pa kasi kami nakasalubong ko lang yan palabas sa bahay ni Ka Belay.” Pagpapaalam niya sa akin sabay kindat. Siyempre alam ko na ang ibig sabihin ng kindat niya na yon, ang komisyon niya sa paghahatid niya ng kliyente sa akin. Kapag natitiyempo na may hindi nagamot o tinanggihan si Ka Belay sa kanila ay palihim niya itong kakausapin, pero siyempre hindi niya sasabihin na sa akin dadalhin dahil baka may makadinig, alam niya ang kaakibat na kapahamakan ng aking nalalaman at alam din niya ang kahalagahan ng aming lihim. Sumenyas ako sa kanya ng okey at pumasok na ako sa loob.
            Inalok kong maupo ang lalaki, “Anong pangalan mo?” Tanong ko sa kanya at umupo ako sa tapat niya, may isang maliit na lamesita na pumapagitna sa amin. “Richard Dela Cruz po.” Ang sagot niya sa akin, mukhang bata pa ang kanyang mukha at nasa kalendaryo pa ang kanyang edad. Bigla siyang napangiwi sa kirot at may tumulong dugo sa isa sa mga maliliit na pula sa mukha niya, agad niya iyon pinunasan ng panyong hawak niya, napansin ko na hindi pantal ang mga maliliit na pula sa mukha niya, para itong maliit na butas na tinusok tusok ng karayom. “Ay lintek hanggang dito inaatake ka, kelan pa ba yan at ano bang ginawa mo? May kilala ka bang gagawa niyan sa iyo?” Ang muli kong tanong sa kanya. “Mga limang araw na po siguro, lagi pong parang tinutusok ng karayom ang ilang parte ng katawan ko lalo na ang sa mukha, hindi na nga po ako makatulog ng maayos sa gabi. Lagi din may mga sugat ang aking mga hita at binti sa tuwing magigising ako sa umaga.” Itinaas niya ang suot na pantalon at nakita ko ang mga sugat na may dalawang pulgada ang haba, ang iba ay mukhang dinapuan na ng impeksiyon. “Sa palagay ko po ang kasambahay namin ang may kagagawan nito, siya lang po kasi ang may galit sa akin at nag sabing ipapakulam ako.” Muli na naman siya napangiwi sa kirot at idinaing ang kaliwang balikat niya na nananakit. Tumayo na ako sa pagka irita sa ginagawang pag atake, inilagay ko ang aking kanang palad sa noo niya, nagsambit ako ng maikling dasal para maproteksiyonan siya sa ginagawang pag atake ngayon sa kanya ng mangkukulam. “Pansamantala lang ang proteksiyon na nilagay ko sa iyo para pigilan ang ginagawang pag atake ngayon kasi hindi pa tayo nagkakabayaran. Sigurado akong makakahanap din ng paraan yun para mabasag ang dasal ko.” Umupo ako ulit at tinuloy ko ang aking pagtatanong. “Ano ang dahilan ng inyong kasambahay para gawin sayo ito?” Umaliwalas ng bahagya ang kanyang mukha sa dasal na ginawa ko sa kanya. “Ganito po kasi iyon.” Hay.. Mukhang panimula sa isang mahabang kwento ang agad kong naisip, naku huwag naman sana susmaryosep! “Nagkaroon po kasi kami ng lihim na relasyon ng aking kasambahay na si rosella, hindi po iyon alam ng kinakasama ko pero para makuha ko siya pinangakuan ko siya na siya ang pakakasalan at pipiliin ko kesa sa aking kinakasama. Hindi naman po ako talaga sersyoso sa sinabi ko..... Blah! Blah! Blah!” Hindi ko na inintindi ang iba pa niyang sinabi dahil pamilyar na ako sa ganyang mga kwento, ikakabet ang kasama sa bahay kapag wala ang ibang kinakasama sa bahay at kapag nagsawa na pagbibintangan na nagnakaw ng kung ano para mapalayas at hindi na mabuking ang ginawang kalokohan. Mga taga maynila talaga! Hindi marunong makuntento sa buhay, akala lahat ay laro, at kapag napasok sa isang problema hindi alam kung paano lalabas. Mabuti pa ang daga kapag pumasok may gagawing labasan para alam kung saan sila susuot, hindi tulad ng tao hindi na nga alam kung saan lalabas wala pang paninindigan. “Bago po siya umalis ng aming bahay galit at umiiyak niyang sinabi na ipapakulam niya ako.” Pagtatapos niya ng kwento niya at bumalik na ulit ang atensiyon ko sa kanya. “Ok. Sige una sa lahat mahal ang serbisyo ko, hindi ako basta albularyo. Isa akong mambabarang, higit na makapangyarihan sa mangkukulam at mas epektibong manggagamot sa albularyo pero kailangan hindi mo babanggitin  ang mga sinabi ko sayo ngayon kanino man. Kailangan manatili itong lihim sa pagitan nating dalawa, at ito ang tanging kondisyon para maging matagumpay ang ating gagawin.” Hindi naman talaga totoo na may kondisyon para maging matagumpay ang gagawin ko, nag iingat lang ako. Mahirap na baka matulad ako sa Ingkong ko na masyadong mayabang, nung minsan na masayaran ng alak ang lalamunan at nasobrahan naipagsabi ang pangalan niya hinamon ng away si Kapitan. Iyon ilang araw lang kung ano anong sakit ang dumapo sa kanya pero siniguro niya na lintek lang ang walang ganti. Dalawang mangkukulam daw at isang mambabarang din ang umaatake sa kanya. Mabuti na lang at naituro na niya sa akin noon ang lahat ng kailangan kong malaman. “Anim na libo ang isisingil ko sa iyo, ibibigay mo ngayon ang kalahati at ihahatid mo din dito bukas ang kulang pa. Sinisigurado ko sa iyo na bukas tapos na ang problema mo.” Walang angal siyang umuo sa akin at iniabot ang tatlong libo, hiningi ko rin ang kanyang panyo na ipinupunas niya sa mga sugat niya kanina, kakailanganin ko iyon upang matukoy ang kalaban ang sabi ko sa kanya. Inihatid ko siya palabas ng aking kubo, at sa daan isang kotse na kulay abo pala ang naghihintay sa kanya.
            Nag aagaw na ang dilim at liwanag pero mas nanalo ang dilim dahil malapit na ang gabi ng ako ay makauwi sa aking kubo, galing ako sa masukal na bahagi ng kagubatan para manghuli ng mga kailangan ko sa pambabarang ngayong gabi. Hindi tulad sa pangkukulam na mga sumpa at pag-gamit ng manika na may hibla ng buhok ng kukulamin o kung ano mang bagay na pag-aari nito para saktan ang kanilang biktima, paggamit ng kakaibang insekto ang aming gawain o Pamaham kung aming tawagin. Mga insektong inaalihan ng mga masamang espiritu o elementong engkanto na naghahangad ng kapahamakan ng iba ang mga hinuhuli at inaalagaan namin, sa isang garapon o bahagi ng kawayan inilalagay pagkatapos ay pakakainin  ng mga itim na ugat ng isang uri ng halamang gamot na may dasal. Ito ay para mapasunod sa kahit anong ipaguutos dito. Maraming paraan ang paggamit sa Pamaham pero ang pagtali ng puting sinulid sa isa sa paa ng insekto ang aking unang hakbang. Isa itong mabisang hakbang kapag wala ka pang alam sa iyong kalaban, dinasalan ko ang insekto at inilapag sa panyo ng biktima at muli kong dinasalan, pinakawalan ko ang insekto sa gabi ng isang lagim. Ito mismo ang pupunta sa kinaroroonan ng aking tudlaan at gagawa ng unang pag atake, kapag ito ay nagbalik na nag kulay pula ang sinulid, matagumpay nitong naisagawa ang aking utos at kapag itim naman ito ay sablay.
            Kalahating oras ang lumipas ng nakita kong nakabalik agad ang aking insekto, naging kulay pula ang itinali kong puting sinulid senyales na matagumpay ito sa aking iniutos. Sa bibig nito ay ang kapirasong balat ng mangkukulam na pinakuha ko dito, gagamitin ko ito sa pangalawang pag atake na mas mabagsik. Katulad sa pangkukulam maaari din kami gumamit ng manika na nilalagyan ng anu man na bahagi ng katawan ng aming biktima, ito ay para direkta naming ipahatid sa katawan nito ang mga insektong ipapadala sa kanila. Idinikit ko ang kapirasong balat sa isang manika at inusal ang dasal, pag katapos inilagay ko ang manika sa loob ng Pamaham at inutusan ang mga insekto na gumapang sa katawan ng manika, na siya din nararamdaman ngayon ng biktima. Isa pang dasal ang aking inusal at pag tapos ay iniutos sa mga insekto na pumasok na sa loob ng katawan ng biktima. Ang unang insekto ay pinapasok ko sa puwet upang magdulot ng almoranas, ang ikalawa ay pinapasok ko sa tenga upang magdulot ng matinding sakit, ang ikatlo naman ay sa ilong upang magdulot ng balingungoy o labis na pagdurugo ng ilong. Muli akong umusal ng dasal upang ipag utos na patuloy na maglakbay sa loob ng katawan ng biktima upang magdulot ng mga sugat sa mga lamang loob at tapusin na ang paghihirap ng biktima. Isinara ko ang garapon na kinalalagyan ng manika na may mga insekto, itinago ko ito sa ilalim ng aking papag. Bukas ang makukuha ko na ang kulang pang tatlong libo, isang libo doon ay para kay berto na naghatid ng kliyente na iyon.
            “Apok! Apok!” Sigaw ni berto habang patakbong lumalapit sa akin, umiinom ako ng kape habang nakaupo sa harapan ng aking kubo. “Nabalitaan mo ba yung nangyari kagabi?” Tanong ni berto habang hinahabol ang kanyang hininga, kaya sinabi ko sa kanya na hayaan muna niyang kumalma ang kanyang dibdib at iniabot ko ang tasa ng aking kape para makahigop siya ng kaunti bago niya ipagpatuloy ang sasabihin. “Si Ka Belay patay na! Nakita siya kanina ng apo niya na wala ng buhay sa loob ng bahay nila tapos.. tapos..” At humigop uli siya sa aking kape na alam kong hindi na niya balak ibalik pa. “Tapos wakwak na ang tiyan pero mukhang siya din ang humiwa dahil may hawak na duguang kutsilyo. Ang nakapagtataka may mga kakaibang insekto ang nakita sa may tiyan nito.” Humigop uli siya ng aking kape at tuluyan ng inubos ito. “Sayang nga at kakauwi lang nung isang araw ng kanyang apo. Hindi nga lang diyan natulog kagabi dahil doon daw nakitulog sa kaibigan sa kabayanan. Siya pala yung naririnig namin kagabi na sumisigaw.” Tumayo ako na may halong pagkabigla sa sarili at agad kong tinanong si berto. “Rosella ba ang pangalan ng apo ni Ka Belay?” Tumingin si berto sa akin na parang nahuhulaan na niya ang pangyayari.
            

Lunes, Setyembre 24, 2012

Sinong mas malupit buhay, pag-ibig o ikaw ?


         “IN GOD WE TRUST”. Ang mensaheng nakalagay sa isang billboard kung saan nakaupo ang dalawang lalaki, hindi sila magkakilala pero iisa ang layunin nilang dalawa sa gabing iyon. Tatalon sila sa billboard na may taas na apat na palapag at kung sakaling sila ay makaligtas, nandiyan ang mga rumaragasang sasakyan sa kalsada na kanilang babagsakan, mahirap nga naman ang mabuhay kung hindi mo na magagamit ang ilang parte ng katawan mo dahil nabali ang mga buto sa pagbagsak mo.
          Sa kaliwa ay si joseph makamundo, nakasuot ng kulay bughaw na polo shirt at naka pantalon ng itim na makintab at madulas. Galing siya sa paghahanap ng matinong trabaho at sa tatlong buwan na inubos niya dito, kahit isa walang nagka-interes sa kanya dahil tanging mataas na paaralan lang natapos niya at hindi pa nakakabulag ang pangalan ng eskwelahan na pinanggalingan niya. Idagdag mo pa na hindi siya katangkaran na lalong nagpapahirap sa paghahanap niya. Hindi din niya mailagay ang mga pinasukan niyang trabaho sa kanyang resume katulad ng maging taga-silbi siya ng dalawang taon sa isang maliit na karendirya, at maging waiter ng tatlong taon sa isang maliit na bar dahil sa hindi siya mabibigyan ng “Certificate of Employee” ng mga ito dahil hindi mga nakarehistro sa musipyo. Ginusto niyang makahanap ng bagong trabaho na may mas mataas na sahod para sa kanyang magiging pamilya ngayon, pero nagiging malupit ang tadhana sa kanya, gusto niya baguhin ang kapalaran niya pero mukhang ito mismo ang pumipigil sa kanya. Naubos na niya ang perang naitatabi sa loob ng tatlong buwan na pakikipagsapalaran, wala na siyang magagamit na pamasahe, pang seroks ng resume niya, tubig at tinapay na ilalaman niya sa maghapong paghahanap niya sa araw na iyon. Higit sa lahat wala na siyang ipambibili ng makakain nila bukas at sa mga susunod na araw, sigurado kapag umuwi siya magdudugo at madudurog nanaman ang kanyang damdamin sa mga salitang bibitawan ng kanyang kinakasama. Malupit ang mundo pero para sa kanya mas malupit ang mundo sa mga katulad niyang nabubuhay na may magulang na hikahos kaya hindi nakayanan na pag aralin siya sa kolehiyo dahil siyam silang magkakapatid, na ang trabaho na kayang mapasukan lang ay may sahod sa isang araw na kulang pang pangkain sa isang araw at sa mga tulad niyang nagnanais baguhin ang kanyang kapalaran sa isang mundo na pinapatakbo ng mga taong may  mga lihim na kasakiman sa buhay.
         
          Sa kanan ay isang lalaki na baliko ang ilong, natatakpan ng natuyong dugo  ang kanang mata. Nahuli niya ang kinakasama na may kasiping na iba ng mapaaga siya ng pag uwi, sa kanilang kwarto niya naabutan ang dalawa at sa galit niya pinagmumura niya ang mga ito. Tinangka niya na bugbugin ang tampalasan na lalaki ngunit siya ang napuruhan, isang malakas na suntok at nabali ang ilong niya, isa pa at pumutok ang kilay niya at umagos ang dugo sa mata niya. Inawat ng kanyang kinakasama ang lalaki at ipinagtabuyan siya palabas, inihagis sa kanya ang ilan sa mga damit niya at pinagsarhan ng pinto sa apartment nila, na isang taon at tatlong buwan niya hinilugan, narinig pa niya ang lalaki na trycicle driver sa kanilang lugar na tumawa ng malakas at ang paghalinling ng kanyang kinakasama. Nakilala niya si gina o si karen, Katrina o katerine sa gabi sa pinapasukang bar dati, hindi niya maisip kung bakit ginawa iyon sa kanya ng babaeng pinakamamahal dahil halos lahat ng hilingin nito ay ibinibigay niya sa abot ng kanyang makakaya. Kapos man sila sa pera sinisigurado niya na hindi nagugutom at nakakaen ng apat na beses ang mahal niya kahit na ang kanya ay dalawa o isang beses lang, hindi din niya hinahayaan na magasgasan ang mga kamay nito sa paglalaba o mapaso sa pagluluto dahil laging lutong ulam ang binibili nila kapag hindi siya nakakapagluto. Lahat ng nagawa niya ay kulang pa din sa kanyang minamahal, mukhang may sakit din ito na hindi marunong makuntento na madalas nakikita niya sa karamihan ng mga tao, may narinig siya dati na ang pag-ibig daw ay parang bahay, nasisira din pag-lipas ng panahon kaya kailangan lumipat o gumawa ng bago pero para sa kanya noon naka depende pa din sa pag-aalaga ng bahay kung hahayaang masira, ngayon alam na niya na mahirap alagaan ang isang malaking bahay kung mag-isa ka lang na nag-aalaga dito.
          Nagkataon na nagkasabay ang dalawa sa isang layunin sa parehong oras, araw at lugar, eto rin naman ang kakahantungan nila pagsapit ng tamang pagkakataon bakit kailangan pa nilang patagalin at maranasan pa ang iba pang mga pasakit na nakatadhana sa kanila. Pinagmamasdan nila ngayon ang mga ilaw ng mga mabibilis na sasakyan dumadaan sa kalsadang babagsakan nila ng mapansin nila ang isang lalaking nakatayo at nakatingin sa kanila.
          Isang lalaki na may mahabang buhok na mukhang isang taon hindi nagupitan at nasuklayan, baliko ang ilong at may malaking pilat sa kanang mata, nakasuot ng madumi at sira sirang polo shirt na kulay bughaw, madami na din punit ang suot na itim na pantalon at hindi na makintab at madulas dahil sa duming nakadikit dito, nanlalagkit ang itsura dahil sa kulang isang taon niyang pagpapalaboy laboy sa kalsada.   Nakatingin siya sa itaas ng billboard kung saan siya galing kanina, alam niya na ngayon na hindi niya dapat sayangin ang buhay niya dahil lang sa mga hamon nito sa kanya at ito dapat ang magturo sa kanya na magpakatatag at hindi ang bumigay sa suliranin. Naalala niya ang mensaheng nabasa niya sa billboard kanina bago siya umakyat na hindi niya binigyan ng pansin, “In God We Trust” naiintindihan na niya ngayon ito, marahil may ibang balak pa sa kanya ang panginoon na mas maganda at inilayo rin siya sa babaeng haliparot na iyon dahil bibigyan siya ng mas karapatdapat sa kanya. Kailangan lang niya na magtiwala at maghintay, paghahandaan niya ang babaeng para sa kanya kaya susubukan niya na bumalik sa karendirya ng kanyang tiyahin at magsisimula ulit, handa na siya ngayon . Tanggap na din niya ngayon na ang buhay ay puno ng mga suliranin at paghihirap, at nasasaiyo kung paano mo haharapin, tatanggapin, lulunasan at hahanapin ang mga bagay na makakapagpaligaya sa iyo bago dumating sa katapusan o kunin ng kung sino man ang buhay mo. 

Linggo, Setyembre 23, 2012

Kwento (Ang Manunubos)


          Sa isang hindi ko alam na bundok, meron isang mandirigmang may pangalan na danakal ang kinatatakutan  ng mga rebelde dahil kilala siyang taga kolekta ng mga perang nakapatong sa kanilang ulo, gamit niya ang apat na punyal na may habang pitong pulgada at bawat isa ay nagtataglay ng lason, galing ito sa daan daang alakdan. Kapag tinamaan ka o madaplisan man lang siguradong mapaparalisa agad ang iyong katawan, unti unti titigil sa pagtratrabaho ang iyong mga baga at puso hanggang sa ito na ang maging dahilan ng kamatayan ng kanyang mga biktima, kukunin nya ang mga ulo nito para ipagpalit sa gantimpalang nakapatong dito. Malaki ang galit niya sa rebelde dahil ito ang naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang magulang at pagkasunog ng kanilang baryo.
          Isang daan na pilak at sampung ginto ang halaga ng ulo ang kanyang tudla ngayong araw, isang nagngangalan na alutnarat ang kanyang pupuntahan sa kilalang lugar na pinagtataguan nito, eksperto ito sa pananambang at gumagamit ng sumpak na may lason. Hindi niya napansin ang mga pisi na nakakalat sa nilalakaran niya at ilang segundo lang isang bala galing sa sumpak ni alutnarat ang tumama sa binti niya pero nahagip ng kanyang mga mata ang pinanggalingan kaya agad niyang naibato ang isa sa apat niyang punyal na nakalagay sa kanyang likuran ngunit sa kasamaang palad tanging sa puno lang ng pinagtataguan ni alutnarat dumaplis ang punyal, agad na tinakbo ni danakal si alutnarat hawak sa magkabilang kamay ang kanyang punyal at isang malakas na wasiwas ng punyal sa kaliwang kamay niya ang kanyang pinakawalan ngunit agad na nakaatras paiwas si alutnarat at isinubo sa bibig ang kanyang sumpak sabay buga ng malakas dito, nakita ni danakal ang gagawing pag-atake  pero mas pinili niya na sabayan ito dahil alam niya na hindi iyon ang inaasahan ng kanyang kalaban kaya ibinato niya ang punyal sa kanan niyang kamay, sa kaliwa niyang balikat tumama ang bala ng sumpak habang sa kanang braso ng kalaban tumama ang kanyang punyal.
          Naramdaman niya agad ang epekto ng lason sa mga bala ng sumpak dahil namamanhid na ang mga parte na tinamaan nito pero kaya pa niyang maigalaw dahil hindi kasing makamandag katulad ng sa kanya ang gamit na lason ni alutnarat, agad niyang kinuha sa kanyang likuran ang natitira pa niyang punyal habang nakangiti at pinagmamasdan ang paralisado ng kanang kamay ng kanyang biktima. Gusto niya sanang patagalin pa ang laban para kumalat ng husto ang lason sa katawan ng kanyang biktima at ito na rin ang tumapos dito pero may mga lason din sa katawan niya na dapat niyang lunasan at mukhang wala ding balak patagalin ng kanyang kalaban ang laban.
        Napansin ni alutnarat ang kinatatayuan ni danakal, hinugot niya ang punyal ni danakal at pinutol ang isang pisi na nasa gilid niya at biglang isang malaking troso na mula sa taas ang dumausdos papunta kay danakal at puminsala sa kaliwang kamay na pinangsalag nito, tumalsik si danakal sa lugar kung saan nakahanda ang ikalawa niyang patibong, pinuntahan niya ang pisi at pinutol na naging dahilan ng pag sabog ng kinaroroonan ni danakal. Sumasang ayon ang lahat sa plano niya, ang pag sunod ni danakal sa pinagtataguan niya kanina kung saan naka pwesto ang kanyang mga patibong, dahil naniniwala siya na mas pinapaboran ng swerte ang mga nakapaghanda at kapag mas pinaboran ka ng swerte mas malaki ang tiyansa mo na manalo. Pupuntahan na niya ang ikatlong pisi ng kanyang patibong ng biglang lumala ang pagsikip ng kanyang dibdib, nararamdaman nadin niya ang pagbagal ng pagtibok ng kanyang puso at pamamanhid ng kanyang utak, hindi kasama sa plano at hindi niya inaasahan ang pagsabay ni danakal sa atake niya kanina.
          Napinsala man ng husto si danakal sa mga patibong, nakita niya sa mukha ni alutnarat na kumakalat na ng husto ang lason kaya di siya nag aksaya ng panahon dinampot niya ang mga nabitawang mga punyal at tinakbo ang kinaroroonan ng kalaban, ibinato niya ang isang punyal sa kaliwa ni alutnarat at  inabangan sa kanan ang gagawing pag iwas upang doon gumawa ng isa pang pag atake, pero bago pa tuluyang tumama ang punyal bumagsak na si alutnarat at hindi na nito maigalaw ang buong katawan, sa pagkakataon na iyon alam ni danakal na nagtagumpay na siya. Wala na siyang oras dahil kumakalat na rin ang lason sa kanyang katawan kaya upang mapabilis ang pagkalat ng lason sa biktima tinarak niya sa likuran nito ang hawak pa na punyal, ilang minuto lang ay nalagutan na ng hininga si alutnarat, hinugot niya ang kanyang punyal at sinimulang ihiwalay sa ulo ang katawan, isinilid niya ang ulo sa lalagyan na dala at ipinunas ang punyal sa damit ng biktima upang matanggal ang dugo, isinuksok niya sa likod kung nasaan ang iba pa niyang punyal na mga dinampot na niya habang hinihintay ang pagkamatay ng kanyang biktima.
          Narating niya ang ilog kung saan kailangan niyang makatawid upang mapuntahan ang isang ermitanyo na kilala sa paggawa ng mga gamot gamit ang iba’t ibang uri ng halaman, alam niya na magagawan nito ng lunas ang kumakalat na lason sa kanyang katawan pero kakailanganin niya muna makarating sa kabila. Hindi niya malalangoy ang ilog dahil bukod sa malalim ito ay malakas ang agos, isa pa wala nadin sa kondisyon ang kanyang katawan sa pinsalang natamo at sa lason na lalong nagpapahirap sa kanya. Hindi niya inaasahan na napaghandaan ng kanyang biktima ang mga tulad niyang manunubos, buti na lang at nangibabaw ang kahusayan niya sa pakikipaglaban  dahil na din sa araw araw niyang pag eensayo.
          Tumingin siya sa paligid upang humanap ng paraan para makatawid sa kabila ng hindi lumalangoy, isang lalaking ang naka upo sa isang bangkang nakadaong ang nakita niya sa di kalayuan at agad niya itong nilapitan, tinanong niya ito kung ano ang pangalan nito at kung maihahatid siya ng Bangka nito sa kabila. Magiliw naman na sumagot ang lalaki na lapaka ang kanyang pangalan pero hindi niya maihahatid ang isa ng walang kapalit,  kaya naman pitong  pilak ang alok ni danakal kay lapaka sinadya niya na sobrahan kaya naman hindi na nakatanggi ang isa pero napansin ni lapaka ang mga punyal sa likod ni danakal at agad na naitanong kung isa siyang manunubos, sumagot naman siya ng oo at tanging mga rebelde lang ang kanyang pinapatay.
          Hindi kayang pagkatiwalaan ni lapaka ang mga katulad ni danakal, paano nga naman kung bigla siyang paslangin nito at kuhain ang kanyang bangka habang sila ay nasa gitna na ng ilog pero pagsisiguro ni danakal sa kanya na hindi iyon gagawin dahil mahina na ang katawan nito para kayanin pang magsagwan sa isang ilog na may malakas na agos, ngunit paano kung nasa malapit na sila sa kabilang pangpang at doon isagawa ang pagpaslang sa kanya ang protesta pa rin ni lapaka. Hindi niya magagawa ang sabi ni danakal pagsisiguro pa rin niya dahil sa oras na iyon ay magkakaroon na siya ng utang na loob sa kanya at upang tuluyan na siyang mapapayag itinaas sa labing limang pilak ang ibabayad sa kanya. Pumayag siya dahil mukhang mahina nga ang katawan nito at madaming sugat, makakaya niyang maipagtanggol ang sarili.
          Nang sila ay nasa gitna na ng ilog tinanong ni danakal kung bakit takot siya sa isang manunubos na katulad niya, mas dapat nga naman katakutan ang mga rebelde na walang awang pumapaslang, at sumusunog ng mga baryong kanilang pinagnanakawan. Hindi takot sa mga rebelde si lapaka sa kadahilanang dati rin siyang rebelde at ang mga paraan ng pamumuhay ng mga ito ang naging dahilan ng pag tiwalag niya dito at mamuhay bilang isang bangkero sa ilog na ito.
          Biglang kumulo ang dugo ni danakal at nagdilim ang paningin, sinugod niya si lapaka ngunit nahampas siya agad ng sagwan nito pero agad niyang hinawakan ang sagwan at kumuha ng punyal na itinarak sa dibdib ng bankero. Bakit ang tanging tanong ni lapaka kay danakal, galit si danakal sa rebelde at sa paningin niya saan man niya tignan isa pa ding rebelde si lapaka at dumadaloy sa dugo niya ang dugo ng isang manunubos. Kumuha ulit siya ng isa pang punyal upang ibaon ng biglang humawak si lapaka sa magkabilang gilid ng bangka at iginewang gewang na naging dahilan ng kanilang pagtaob at ikinalunod nilang dalawa.   



*NOTE: Ang kwentong ito ay hango sa pabulang "Ang Alakdan at Ang Palaka". Sinubukan kong ikwento sa ibang paraan at lagyan ng kakaibang atake.


Miyerkules, Setyembre 19, 2012

Tula (ang pa-ibig mo at ang pag-ibig ko)


"ang pag-ibig mo at ang pag-ibig ko"

ang pag-ibig natin ay parang kalsada
patay tiyak 'pag may tumawid sa gitna
kapag sinuwerte't siya'y makaligtas
babalikan, sasagasaan paatras

ang pag-ibig ko ay parang plastik labo
matagal mabulok kahit na malabo
daang taon man ang dumating sa mundo
mananatili at hindi magbabago

ang pag-ibig mo ay parang pagsusulit
taon-taon tanong ay paulit ulit
bawal mangopya ng hindi nakapikit
kapag nahuli ka bagsak at pilipit

ang pag-ibig natin ay ating ingatan
tinakda ito ng kataastaasan
mahirap mang pag-ibig ay walang hanggan
posible pa rin kung may paninindigan

-nevoj

Tula (ang sulat niya at sulat ko)


When we got older
Will you be the same?
Wouldn't there be anyone
comes between us?
Will you still love me
even i became so weak?
Will you still care if
i got sick?
Will you still lay beside me
even i smell rotten soil?

So many questions lingering my thoughts.
What may happen in the future.
Thus, all i can do is to cherish
the time i am with you
So whatever might happen i wouldn't
have any regrets.

      - joy

" Answers "

Endless hapiness
An unspoken vow meant to be done
My undying love
Is the only offering i can give
You're my first and last
And i am sure there will be no in betweens
You are everything
The only reason to keep moving forward
When sunset come to us
I know my love will be the same
Like when it started

So lets cherish what we have now
For yesterday will just be memories
Dont bother for future for it is set
Lets enjoy today for it is a gift from god
That is why we called it present

      -nevoj

Dagli (Lasing si Kuya)


                                                          “Lasing si kuya”

       Nagising ako sa sahig ng kwarto naming magkapatid. Masakit at dumudugo din ang aking bibig, nararamdamin ko din na umuuga ang aking ipin sa harapan. Hindi ko alam kung ano at paano, ang pag iinuman lang naming ng aking mga kaibigan kanina bago ako natulog ang aking natatandaan. Sa di kalayuan nakita ko ang aking nakababatang kapatid, nakatayo sa harapan ko at malalim na nakatingin sa akin. Nag-away ba kami at nauwi sa sapakan? Hindi ko alam kung may lihim siyang galit sa akin, hindi man kami masyadong nagkikibuan masasabi ko na hindi naman ganon kasama ang relasyon ko sa aking kapatid. Ipinikit ko ang aking mga mata upang mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha, at sa pagmulat ko ay tuluyan ng sumabog ang aking galit. “Bakit boyet? Bakit? Anung ginawa ko sayo? Bakit ?” Ang pasigaw kong tanong sa kanya. “Nahulog ka sa double deck natin kuya habang natutulog ka.” Ang tanging nabanggit ng aking kapatid at tuluyan ng tumulo ang aking luha.

Dagli (Seryoso Mag-aaral na ako)


                                                   “ Seryoso, Mag-aaral na ako”

       Ayaw na niyang matawag na bobo o tanga, bukas ipapakita niya sa tatay niya na kaya niyang makakuha ng mataas na marka sa pagsusulit nila bukas. Pinasya niya na humiram ng libro sa kanyang ka-eskwela na nagkataon na kalapit bahay din nila. Magiliw naman siyang pinahiram kaya naman masaya siyang umuwi sa kanila. Doon taimtim niya itong binasa, pilit inintindi ang mga numero, mga pangalan at iba pang mga nakasulat dito. Sa kasamaang palad muli nanaman siyang binigo ng kanyang utak kaya’t malungkot niyang ibinalik ang libro sa kanyang ka-eskwela. “Kahit anong gawin kong pilit na pag-aralan yan hindi ko talaga maintindihan.” Malumbay niyang sabi sa ka-eskwela. “Mukhang babagsak nanaman ako sa pagsusulit natin bukas sa math.” Dugtong niya sabay abot ng hawak na libro. Nanlaki ang mata at pigil ang tawa ng kanyang ka-eskwela. “Bakit kasi yung telephone directory namin ang kinuha mo.”

Dagli (Iskandal)


                                                                 “Iskandal”

       Nakahanda na ang gagamitin niyang videocam, para ito sa una sa mga koleksiyon niya ng pakikipagtalik sa kanyang nobya at magiging nobya pa gaya din ng mga koleksiyon ng kanyang mga kaibigan. Itinago niya ito sa pagitan ng mga libro na malapit sa kanyang kama, tinakpan niya ng karton na may maliit na butas para sa lente ng videocam. Dumating ang nobya niya, kaunting usap, tawanan at landian ay nagsimula na din sila. Mainit at naglalagablab ang mga aksiyon na nakukunan sa video, sisiguruhin niya na maayos kahit papaano ang mga anggulo nila habang ginagawa nila ng kanyang nobya ang mga paborito nilang posisyon. Mukhang maganda ang kinalalabasan ng una niyang koleksiyon ang nasa isip niya handa na siyang tasahan ang kanyang lapis at itusok ito ng biglang tumitig ang kanyang nobya sa kanya at ngumisi, at bigla itong bumaling din sa kaliwa kung saan niya itinago ang kanyang videocam. “Sige ipasok mo na, asan na? Ipasok mo na. Ipasok mo na sabi e!” Ang mga katagang binibitawan ng kanyang nobya habang siya ay nagtatasa, sumenyas pa ang kanyang nobya gamit ang mga daliri sa kamay na maliit ang kanyang lapis. Mukhang hindi niya ito maipapanuod sa mga kaibigan niya.

Dagli (Bugtong)


                                                                    “Bugtong”

       Nagpapagalingan sa bugtong ang Magpipinsan. “Pinatay mO na Dinasalan mo pa”. Tanong ni pEdro. “Lamok ang Sagot”, Sabi ni juan. “Ang dali naman o eto, dumaan si batman, naWasak ang daanan ano Ito”. Tanong ni juan. “Zipper?” Hula ni pedro. “Nanghuhula ka lang ata pedro e! Walang hiya, tama pa!” Sabi ni juan. “Ikaw may alam ka ba Na mahirap na buGtong?” Tanong ng dalawa kay taSyo. “Meron. Hindi tao, Hindi hayop, pero lumilipad at sumisipsip ng dugo, ano ito?” Tanong ni tasyo at napaisip ang dalawa.

Dagli (Nanalo Ako)


                                                             “Nanalo Ako”

       Inilapag niya ang pandesal sa lamesa, at umupo para basahin ang diyaryo na kanyang binili ngayong umaga. Hinanap niya ang kumbinasyon ng mga numero na pwedeng mag ahon sa kanila sa kahirapan. Unang numero, napangiti. Ikalawang numero, muling napangiti. Ikatlong numero, napalaki ang mga mata. Ika-apat na numero, napahigpit ang kapit sa diyaryo. Ikalimang numero, umabot sa tenga ang ngiti. Ika-anim na numero, napatayo at lumundag, napasigaw at niyakap ng mahigpit ang asawa na nagtitimpla ng kape. Mayaman na tayo, tinamaan ko ang anim na kumbinasyon ng numero pabulong na sabi niya sa kanyang asawa. “Ano ka ba ?! Di ba isang linggo ka ng hindi tumataya ng lotto”. Putol ng kanyang asawa sa panaginip niya, at nalaglag ang kanyang panga.

Dagli (Tatlong Kahilingan)


                                                        “Tatlong Kahilingan”

     Nakauwi na siya, naibenta na niya ang mga bakal, plastic at mga bote na nakalakal niya kanina. Isang bote na kulay berde ang hindi niya isinama dahil sa kakaiba nitong itsura, kasama niya itong iniuwi sa kanila. Sa loob ng kanyang munting barong-barong tinanggal ang takip ng kakaibang bote, kasunod nito ang paglabas ng manipis na usok at nagkorteng tao. Tatlong kahilingan ang ibibigay sa kanya  ng usok na korteng tao upang makalaya ito sa sumpa ng isang pulubi na tinanggihan niyang bigyan ng tulong kaya ikinulong siya sa mahiwagang bote. Napangiti siya sa di maipaliwanag na  kagalakan na nararamdaman. Para sa una niyang kahilingan, bahay! Isang malaki at napakagandang  bahay. Sa isang kurap ay na sa loob na siya ng isa sa mga mamahalin na bahay sa isang exclusive na subdivision. Para sa ikalawa niyang kahilingan, pera! Bigyan mo ako ng maraming pera, maraming maraming pera. Sa isang kurap ay isang daang sako na puno ng mga pera ang kanya ng katabi. Walang mapaglagyan ang ngiti niya sa kanyang mukha, napansin niya na abot tenga din ang ngiti ng usok na korteng tao na kaharap niya. Biglang naging seryoso ang kanyang mukha, at para sa kanyang ikatlong kahilingan, nakita niya ang hindi mapigil na kasiyahan ng kanyang kaharap, ngumiti siya, isang ngiting puno ng kasakiman. “Para sa aking ikatlong kahilingan, bigyan mo pa ulit ako ng tatlo pang kahilingan para iyong tuparin. At para sa aking kahilingan ulit, kotse! Ibigay mo sa akin ang pinakamahal na kotse, para sa ikalawa kong kahilingan, gusto kong mapaligiran ng mga seksi at magagandang babaeng taga-sunod, at siyempre para sa aking ikatlong kahilingan ay tatlo pang kahilingan para iyong tuparin”. Bumalot sa loob ng isang maganda at napakalaking bahay ang halakhak ng kasakiman at kasamaan.

Dagli (Limang Piso)


                                                    “Limang Piso”

       Isinakay siya ng dalawang nakaputing lalaki, sa isang sasakyan na may mga naglalarong pula at bughaw na ilaw. Iniisip niya kung bakit bahagyang wakwak at nakaluwa ang mga bituka niya sa kaliwang parte ng kanyang tiyan. Ang alam niya nagpunta sila ng kanyang mga kaibigan sa isang videoke bar, ito ay para makalimutan niya ang isa nanamang mapait at masaklap na karanasan sa mga mapanghusga at mapanlait na lipunan. Nakakapitong bote na siya ng alak ng gabing iyon ng makapa niya sa bulsa ang limang pisong barya, na napulot niya sa jeep habang papunta sila. Dinukot niya ito, kakanta siya naisip niya, ikakanta niya lahat ng kanyang sama ng loob. Pinili niya ang kanta na paborito ng kanyang tatay, ang kantang bumawi sa buhay nito ng magpunta sa kaarawan ng kaibigan. Patapos na sana niya itong kantahin, ng mapansin niya ang isang lalaking papalapit sa kanya na may hawak na bote, binasag sa lamesa nila at isinaksak sa kanyang tiyan, at naisaksak pa ulit bago ito naawat ng kanyang mga kaibigan. Tumulo ang luha niya ng maalala ulit, para maibsan ang nararamdaman na panibagong hapdi at kirot, kinanta na lang niya ulit ang kanta na naging dahilan marahil ng pangyayari kanina. (Pangongong kanta ng My Way!)

Dagli (WholeSale)


                                                                “Wholesale”

       “Bili na po kayo, mga short 20 lang po ang isa!” Sigaw ng isang tindero sa baclaran. Isang babae ang lumapit, nakapostura ng pangmayaman at mukhang edukada. “Magkano?” Tanong nito sa tindero. “20 lang po ang isa maganda ang tahi niyan at magandang klase din ang tela”. Sagot at paliwanag ng tindero sa babae. “Ang mahal naman, yung pang wholesale na presyo anim ang bibilhin ko”. Pakikipagtawaran ng babae. “Sige po, 120 nalang ang anim tapat na po ate”. Ang nakangiting sagot naman ng tindero. “Ayan! Dapat hindi mo ako mamahalan, sige ka baka hindi na ako bumili sa iyo ulit”. Naglakad na papalayo sa nakangiting tindero ang babae bitbit ang napamili.                                                 

Dagli (Madalas Magkasama)


                                                          “Madalas Magkasama”

       Nakahiga siya sa dibdib ng kanyang pinakamamahal na lalaki, minahal na niya ito simula pa nung mga bata pa sila. Nahulog marahil ang loob niya ditto sa dalas nilang magkasama noon. Bumuga ng usok mula sa sigarilyo ang lalaking mamahalin niya pang habang buhay. Naitaga na niya sa bato na ito na ang lalaking pagsisilbihan, pakikisamahan, mamahalin ng buong katapatan at ipaglalaban kahit sino o ano pa ang humadlang. Napansin ng kanyang pinakamamahal na lalaki na kanina pa niya ito tinititigan. “Mahal na mahal kita at ipaglalaban kita sa lahat lukring”. Paninigurado ng lalaki sa kanya. “Bakit ? meron pa bang iba kuya lusyo?”

Dagli (Baril)


                                                                         “Baril”

       Bumulagta ang isang lalaki, matapos makipag-palitan ng putok sa pulis. “Lintek toh a! Mas maganda pa ang baril sa akin”. Kinuha niya ang paltik na rebolber na tinatago niya sa kanyang motorsiklo, at iyon na ngayon ang hawak ng lalaking may apat na tama ng bala sa dibdib ng dumating ang mga mag iimbestiga. Ilang minuto pa dumating na din ang hepe niya. Namutla, napalunok, at naggasgasan ang mga ipin nito ng makita ang lalaking nakahiga sa kalye ng wala ng buhay. Kinabukasan, naka posas ang pulis na nakatimbog sa notoryus na holdaper kagabi. Hindi daw nag-match ang baling natagpuan, limang basyo ng 9mm nabaril na mula sa pulis ang natagpuan sa pinangyarihan. Apat ng tingga nito ang naibaon nya sa katawan ng biktima, at dalawang basyo ng calibre .45 na baril ang natagpuan habang apat ng tingga nito ang natagpuan din sa pinangyarihan habang paltik na rebolber ang hawak ng biktimang pamangkin ng hepe nila at kumpleto pa ang mga bala sa loob.