Huwebes, Oktubre 18, 2012

Kwento ( Mitolohiya ng Pilipinas : Bersiyon ng Visayas )


            Ilang daang libong taon na ang nakakaraan, wala pang kalupaan sa mundo at tanging karagatan lang at malawak na himpapawid ang makikita dito. Sa ilalim ng karagatan ay ang kaharian ng napakagandang Bathalang si Maguayen, kasama niya ang kanyang anak na babae na si Lidagat. Sa likod naman ng mga ulap, ang kaharian ng magiting na Bathalang si Kaptan at ang anak niyang lalaki na si Lihangin. Isang kasalan ang naganap ng umabot sa hustong gulang ang dalawang anak ng mga bathala ayon na din sa kanilang kasunduan, di naglaon ay nagkaroon ng tatlong anak na lalaki at isang babae sila Lihangin at Lidagat. Ang panganay nila ay si Likalibutan; matapang, malakas at malaking nilalang na ang katawan ay gawa sa mga lupa at malalaking bato. Ang ikalawa ay si Liadlaw; gawa sa ginto ang katawan, masayahin, masunurin at gustong gusto niya na napapasaya niya ang mga magulang at kapatid. Ang ikatlo ay si Libulan; taglay ang katangian ng isang tingga, mahina ang pangangatawan, tahimik at mahiyain. Ang huli ay ang nag iisang anak na babae na si Lisuga; maganda, mabait at nagniningning dahil sa gawa ang katawan sa purong pilak. Masayang masaya sa kanilang mga anak sila Lihangin at Lidagat.
            Ibinigay kay Likalibutan ang pamamahala sa kaharian ng hangin ng pumanaw ang kanilang ama na si Lihangin, hindi nagtagal ay sinundan ni Lidagat ang kanyang kabiyak. Ilang taon makalipas ang pagpanaw ng mga magulang, dumalaw si Panlinugun; ang Bathala ng kailaliman, kay Likalibutan, kasama niya si Burigadang Pada Sinaklang Bulawan; ang Bathala ng kasakiman. Ipinagmalaki ni Likalibutan ang kanyang taglay na kapangyarihan sa dalawa, ngunit sinabi nila na higit na mas malakas ang taglay na kapangyarihan ni Kaptan na ama ng kanilang ama kung ihahambing sa kanya. Dahil sa kagustuhan na madagdagan pa ang kanyang kapangyarihan at sa pangbubuyo ng dalawa pang Bathala, nagplano sila kung paano makakapunta sa Kaitaasang Kaharian, sinabi nila Panlinugun at Burigadang Pada Sinaklang Bulawan na may kakilala si Saraganka Bagyo; ang bathala ng mga bagyo, na makakatulong sa kanya. Pinilit niya na tulungan siya ng kanyang dalawang kapatid na lalaki. Sa una ay ayaw pumayag ni Liadlaw sa plano ng kapatid na pagsugod sa Kaitaasang Kaharian kung nasaan si Kaptan at ang Kataastaasang Bathala na si Tungkong Langit. Sa huli ay napapayag na din siya dahil ayaw niyang magalit sa kanya ang nakakatandang kapatid, napapayag din nila si Libulan dahil din sa takot sa galit ni Likalibutan. Pinuntahan nila si Saraganka Bagyo ng magkasundo silang tatlo, naabutan nila ang Bathala na naglalaro at gumagawa ng isang malaking bagyo kasama si Ribong Linti; ang Bathala ng kulog, itinuro sila ng mga ito kay Barangaw; ang bathala ng bahaghari, hindi nila sinabi ang tunay na pakay ng pagpunta sa Kaitaasang Kaharian gaya ng bilin ng dalawang Bathala na nangbuyo sa kanila. Iginawa sila ni Barangaw ng isang tulay na gawa sa bahaghari, at tinungo na ng tatlong magkakapatid ang Kaitaasang Kaharian.
            Isang napakalaking pinto na gawa sa makapal na bakal ang bumungad sa kanila, sinira ito ni Likalibutan sa pamamagitan ng pagpapakawala ng tatlong malalaking buhawi, papasok na sila sa loob ngunit isang matalim na kidlat ang tumama sa lalakaran nila. Naglalagablab ang mga mata ni Kaptan sa galit dahil sa pagkakasira ng kanyang pinto, nangatog ang tuhod nila Liadlaw at Libulan ng maramdaman na nasa likuran na nila ang galit na Bathala. Nagpakawala ng limang buhawi at inihip ni Likalibutan ang pinakamalakas na hangin na ikinatalsik ni Kaptan sa kawalan, humugot pa ito ng isang malaking bato sa katawan at inihagis sa Bathala. Binasag niya sa pamamagitan ng kanyang kamao ang batong inihagis ng kanyang apo, lalo niyang ikinagalit ng malaman mismo sa apo ang dahilan ng pag punta, hinding hindi niya mapapalampas ang ganitong kalapastanganan sa kanya, pinatamaan niya ang tatlong apo ng mga matatalim na kidlat, sa sobrang bilis ng pangyayari hindi na nagawang makaiwas ng magkakapatid. Natunaw at nagkorteng bilog ang mga tingga at gintong katawan nila Libulan at Liadlaw, nabasag naman sa malalaki at maliliit na parte ang batuhang katawan ni Likalibutan at nahulog sa karagatan. Galit na binaba ni Kaptan si Maguayen at pinagbintangan na siya ang nag utos sa ginawang pag salakay ng tatlo sa kanya, pilit itinaggi ito ng magandang bathala at sinabing wala siyang kinalaman tungkol dito. Napadaan naman si Lisuga sa kinaroroonan nila Kaptan at Maguayen, balak niyang itanong sa dalawang Bathala kung nakita nila ang kanyang mga kapatid, ngunit nakita niya ang mga galit na galit na mata ni Kaptan na nakatitig sa kanya at bigla isang matalim na kidlat ang tumama sa kanya. Nakita nila na nagkadurog durog sa maliliit na piraso ang katawan na purong pilak ni Lisuga, hindi makapaniwala si Kaptan sa nagawa , nadala siya ng sobrang galit at nilamon ang kanyang pang husga, huli na ng bumalik sa katinuan ang kanyang isip. Ikinalingkot ng dalawang bathala ang trahedyang naganap, hindi na nila mababalik ang buhay ng kanilang mga apo kaya bilang paghingi ng tawad binigyan nila ng liwananag ang mga wala ng buhay na katawan ng mga apo. Ang ginintuang katawan ni Liadlaw ang ginawang araw at naging buwan naman ang katawan ni Libulan, mga bituwin naman sa langit ang nagkadurog durog na katawan ng kaawa-awang si Lisuga. Wala silang ibinigay na liwanag sa katawan ni Likalibutan, ito ay bilang parusa sa kasakiman nito pero ang mga nalaglag na katawan nito sa karagatan ay magiging kalupaan na siyang titirhan ng mga tao na kanilang lilikhain.
            Binigyan ni Kaptan si Maguayen ng buto upang itanim sa isa sa mga isla, makalipas ang ilang panahon tumubo ang isang halaman na kawayan at sa mga sanga nito lumabas ang isang lalaki na pinangalanan na Sikalak, Sikabay naman ang sa babae. Sila ang mga unang magulang ng mga tao, ang unang anak nila ay si Libo, ang sumunod ay babae na si Saman. Si Pandaguan ang pinakabatang anak nila ay maalam o matalino at ang unang bagay na kanyang inimbento ay isang panghuli ng isda. Isang pating ang unang isda na nahuli niya, labis niyang hinangaan ang kanyang nahuli at sa laki nito inakala niya na isa itong Bathala, kaya ng dalhin niya ito sa kanila inutusan niya ang mga tao dito na sambahin ito, kaya naman araw araw tuwing umaga at hapon ay iniikutan ng mga tao ang dambuhalang pating habang kinakantahan at dinadasalan. Ikinagalit ni Kaptan ang ganitong gawain, bumuka ang kalangitan at karagatan at lumabas ang dalawang Bathala, iniutos nila kay Pandaguan na itapon ang pating sa dagat at sila lang ang tanging dapat sambahin. Natakot ang lahat ngunit hindi si Pandaguan, naibulong niya sa sarili na ang pating ay kasing laki at nakakatakot tulad ng mga Bathala ngunit nagawa niya itong mahuli at mapatay, siguro maaari din niya itong magawa sa isa sa mga Bathalang nasa harapan nila ngayon at tiyak na sasambahin siya ng mga kanyang kasama. Narinig ito ng magiting na bathalang si Kaptan at nagalit, isang matalim na kidlat sana ang kanyang pakakawalan ngunit siya ay natigil ng hawakan ni Maguayen ang kanyang kamay, naalala niya ang pagkamatay ng kanilang mga apo dahil sa hindi niya napigilan ang sarili pero hindi dapat palampasin ulit ang ganitong kalapastanganan. Kaya pinatamaan niya si Pandaguan ng isang mahinang kidlat upang hindi mapatay ngunit sapat ng parusa sa kalapastanganan, pinarusahan din nila ang ibang mga tao at ikinalat sa ibat ibang isla, ang iba ay dinala sa hilaga kung saan inalis ng sobrang lamig ang kanilang mga pakiramdam, ang iba naman ay dinala sa timog kung saan sa sobrang init ay hinapo ang kanilang mga katawan, ang iba ay dinala sa silangan kung saan ang lupain ay walang mapagkukunan ng pagkain kaya napilitan silang kumain ng putik. Tatlumpung araw ang nakalipas ay nagbalik ang lakas ni Pandaguan at muling nakatayo pero ang katawan nito ay nasunog dahil sa kidlat ni Kaptan, naging kulot din ang kanyang mga buhok dahil sa pagkasunog at siya ang naging unang angkan ng tribo ng mga negrito.

Huwebes, Oktubre 11, 2012

Tula ( Tula)


Gusto kong gumawa ng isang tula
Ayoko ng salitang tumutugma
Mapaglaro kasi sa aking tenga
Simple, magaan, payak at masaya
Ang binabalak kong gawin na tema
Mababaw man ang gamit na salita
Ay upang maarok ng pang-unawa
At bilang ng pantig tiyak na wala
Mahirap na kasi iyong magawa
Matutuyot ang aking utak muna
Bago ko matapos ang aking tula
Saglit lang ang oras para magawa
Ang aking balak bago ko mawala
Kaya dapat na akong magsimula



Biyernes, Oktubre 5, 2012

Kwento ( Apok )


            Naririnig ko sa labas ang boses ni Berto kaya naman nilabas ko siya mula sa aking maliit na kubo. “Apok may naghahanap sayo.” Ang sabi ng nakangiting kababata ko, siya lang ang nag iisang nagtiyaga na kumausap sa akin dahil ang aking Ingkong ay kilalang mambabarang sa lugar namin. Siyam na taon pa lang ako ng mapunta ako sa lugar na ito. Sabi sa akin ng aking ina dati na magbabakasyon daw kami sa aming probinsiya, na kaming dalawa lang at bibisitahin namin ang tatay niya. Ilang oras lang ng kami ay dumating ng nagpaalam siya sa akin at sa ingkong ko na may bibilhin lang sa kabayanan na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik. Simula noon si ingkong na ang nag alaga sa akin, at para matanggap ko ang pag ulila ng aking ina sa akin isang mahika-negra daw o pagbabarang ang ituturo at ipapamana niya sa akin, hindi na masamang pampalubag loob di ba. Nagtataka ako noon kung ano yung mahika-negra pero nito lang nung mapagisip-isip ko na mahikang itim pala ang katumbas nun. Isang mahigpit  na utos ang ipinagbilin niya sa akin bago niya ako tinuruan ng pambabarang, ito ay ang huwag na huwag ko daw ibibigay ang tunay kong pangalan kahit kanino dahil pwede itong magamit ng mga mortal na kaaway ng mambabarang. Ang mangkukulam. Ito daw ang dahilan kung bakit gumagamit siya ng alyas na ingkong na ang ibig sabihin ay matanda o lolo, binigyan din niya ako ng alyas, apok o apo na may letrang k sa dulo at ito na daw ang gagamitin ko hanggang sa ako ay mamatay.  
“Magpapagamot daw, kinukulam daw ata siya.” Sabay turo niya sa kasamang lalaki na nakatayo sa likuran niya. Matangkad at mukhang magandang lahi ang pinagmulan, mukha din mayaman sa porma, magara din ang suot na damit at mukhang galing sa maynila kaya siguro nasabi ni Berto na malaking isda. Tiyak na mahihingan ko ito ng malaking halaga para sa serbisyo ko, minsan lang din kasi ako tumanggap ng ganitong mga kaso, mahal kasi ang singil ko sa kakaibang kaalaman na pinasa sa akin ng aking ingkong, pagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay talagang hanap buhay ko. Ang mga naani kong gulay ay ibinibigay ko kay berto para maibenta ng kanyang asawang si Alice sa palengke sa kabayanan, paghahatian naman naming ang napagbentahan. “Galing na yan kay Ka Belay kaso tinanggihan, ayaw ata mapagbalingan nung mangkukulam. Haha.” Paliwanag ni berto sa akin. Si matandang belay talaga ang kilalang albularyo sa amin, namana naman daw niya iyon sa kanyang ina na pinaniniwalaang mangkukulam noon. Nginitian ko si Berto at muling tinignan ang kasama niya. Mukhang ilang araw ng puyat ang lalaki, meron din siyang mga maliit na pantal na namumula sa mukha at mga kamay nito. “Sige pumasok ka sa loob.” Ang sabi ko sa lalaki at sumunod ito. “Ikaw na bahala diyan ha apok. Babalik na ako sa amin at baka hinahanap na ako ni alice, mag-gagapas pa kasi kami nakasalubong ko lang yan palabas sa bahay ni Ka Belay.” Pagpapaalam niya sa akin sabay kindat. Siyempre alam ko na ang ibig sabihin ng kindat niya na yon, ang komisyon niya sa paghahatid niya ng kliyente sa akin. Kapag natitiyempo na may hindi nagamot o tinanggihan si Ka Belay sa kanila ay palihim niya itong kakausapin, pero siyempre hindi niya sasabihin na sa akin dadalhin dahil baka may makadinig, alam niya ang kaakibat na kapahamakan ng aking nalalaman at alam din niya ang kahalagahan ng aming lihim. Sumenyas ako sa kanya ng okey at pumasok na ako sa loob.
            Inalok kong maupo ang lalaki, “Anong pangalan mo?” Tanong ko sa kanya at umupo ako sa tapat niya, may isang maliit na lamesita na pumapagitna sa amin. “Richard Dela Cruz po.” Ang sagot niya sa akin, mukhang bata pa ang kanyang mukha at nasa kalendaryo pa ang kanyang edad. Bigla siyang napangiwi sa kirot at may tumulong dugo sa isa sa mga maliliit na pula sa mukha niya, agad niya iyon pinunasan ng panyong hawak niya, napansin ko na hindi pantal ang mga maliliit na pula sa mukha niya, para itong maliit na butas na tinusok tusok ng karayom. “Ay lintek hanggang dito inaatake ka, kelan pa ba yan at ano bang ginawa mo? May kilala ka bang gagawa niyan sa iyo?” Ang muli kong tanong sa kanya. “Mga limang araw na po siguro, lagi pong parang tinutusok ng karayom ang ilang parte ng katawan ko lalo na ang sa mukha, hindi na nga po ako makatulog ng maayos sa gabi. Lagi din may mga sugat ang aking mga hita at binti sa tuwing magigising ako sa umaga.” Itinaas niya ang suot na pantalon at nakita ko ang mga sugat na may dalawang pulgada ang haba, ang iba ay mukhang dinapuan na ng impeksiyon. “Sa palagay ko po ang kasambahay namin ang may kagagawan nito, siya lang po kasi ang may galit sa akin at nag sabing ipapakulam ako.” Muli na naman siya napangiwi sa kirot at idinaing ang kaliwang balikat niya na nananakit. Tumayo na ako sa pagka irita sa ginagawang pag atake, inilagay ko ang aking kanang palad sa noo niya, nagsambit ako ng maikling dasal para maproteksiyonan siya sa ginagawang pag atake ngayon sa kanya ng mangkukulam. “Pansamantala lang ang proteksiyon na nilagay ko sa iyo para pigilan ang ginagawang pag atake ngayon kasi hindi pa tayo nagkakabayaran. Sigurado akong makakahanap din ng paraan yun para mabasag ang dasal ko.” Umupo ako ulit at tinuloy ko ang aking pagtatanong. “Ano ang dahilan ng inyong kasambahay para gawin sayo ito?” Umaliwalas ng bahagya ang kanyang mukha sa dasal na ginawa ko sa kanya. “Ganito po kasi iyon.” Hay.. Mukhang panimula sa isang mahabang kwento ang agad kong naisip, naku huwag naman sana susmaryosep! “Nagkaroon po kasi kami ng lihim na relasyon ng aking kasambahay na si rosella, hindi po iyon alam ng kinakasama ko pero para makuha ko siya pinangakuan ko siya na siya ang pakakasalan at pipiliin ko kesa sa aking kinakasama. Hindi naman po ako talaga sersyoso sa sinabi ko..... Blah! Blah! Blah!” Hindi ko na inintindi ang iba pa niyang sinabi dahil pamilyar na ako sa ganyang mga kwento, ikakabet ang kasama sa bahay kapag wala ang ibang kinakasama sa bahay at kapag nagsawa na pagbibintangan na nagnakaw ng kung ano para mapalayas at hindi na mabuking ang ginawang kalokohan. Mga taga maynila talaga! Hindi marunong makuntento sa buhay, akala lahat ay laro, at kapag napasok sa isang problema hindi alam kung paano lalabas. Mabuti pa ang daga kapag pumasok may gagawing labasan para alam kung saan sila susuot, hindi tulad ng tao hindi na nga alam kung saan lalabas wala pang paninindigan. “Bago po siya umalis ng aming bahay galit at umiiyak niyang sinabi na ipapakulam niya ako.” Pagtatapos niya ng kwento niya at bumalik na ulit ang atensiyon ko sa kanya. “Ok. Sige una sa lahat mahal ang serbisyo ko, hindi ako basta albularyo. Isa akong mambabarang, higit na makapangyarihan sa mangkukulam at mas epektibong manggagamot sa albularyo pero kailangan hindi mo babanggitin  ang mga sinabi ko sayo ngayon kanino man. Kailangan manatili itong lihim sa pagitan nating dalawa, at ito ang tanging kondisyon para maging matagumpay ang ating gagawin.” Hindi naman talaga totoo na may kondisyon para maging matagumpay ang gagawin ko, nag iingat lang ako. Mahirap na baka matulad ako sa Ingkong ko na masyadong mayabang, nung minsan na masayaran ng alak ang lalamunan at nasobrahan naipagsabi ang pangalan niya hinamon ng away si Kapitan. Iyon ilang araw lang kung ano anong sakit ang dumapo sa kanya pero siniguro niya na lintek lang ang walang ganti. Dalawang mangkukulam daw at isang mambabarang din ang umaatake sa kanya. Mabuti na lang at naituro na niya sa akin noon ang lahat ng kailangan kong malaman. “Anim na libo ang isisingil ko sa iyo, ibibigay mo ngayon ang kalahati at ihahatid mo din dito bukas ang kulang pa. Sinisigurado ko sa iyo na bukas tapos na ang problema mo.” Walang angal siyang umuo sa akin at iniabot ang tatlong libo, hiningi ko rin ang kanyang panyo na ipinupunas niya sa mga sugat niya kanina, kakailanganin ko iyon upang matukoy ang kalaban ang sabi ko sa kanya. Inihatid ko siya palabas ng aking kubo, at sa daan isang kotse na kulay abo pala ang naghihintay sa kanya.
            Nag aagaw na ang dilim at liwanag pero mas nanalo ang dilim dahil malapit na ang gabi ng ako ay makauwi sa aking kubo, galing ako sa masukal na bahagi ng kagubatan para manghuli ng mga kailangan ko sa pambabarang ngayong gabi. Hindi tulad sa pangkukulam na mga sumpa at pag-gamit ng manika na may hibla ng buhok ng kukulamin o kung ano mang bagay na pag-aari nito para saktan ang kanilang biktima, paggamit ng kakaibang insekto ang aming gawain o Pamaham kung aming tawagin. Mga insektong inaalihan ng mga masamang espiritu o elementong engkanto na naghahangad ng kapahamakan ng iba ang mga hinuhuli at inaalagaan namin, sa isang garapon o bahagi ng kawayan inilalagay pagkatapos ay pakakainin  ng mga itim na ugat ng isang uri ng halamang gamot na may dasal. Ito ay para mapasunod sa kahit anong ipaguutos dito. Maraming paraan ang paggamit sa Pamaham pero ang pagtali ng puting sinulid sa isa sa paa ng insekto ang aking unang hakbang. Isa itong mabisang hakbang kapag wala ka pang alam sa iyong kalaban, dinasalan ko ang insekto at inilapag sa panyo ng biktima at muli kong dinasalan, pinakawalan ko ang insekto sa gabi ng isang lagim. Ito mismo ang pupunta sa kinaroroonan ng aking tudlaan at gagawa ng unang pag atake, kapag ito ay nagbalik na nag kulay pula ang sinulid, matagumpay nitong naisagawa ang aking utos at kapag itim naman ito ay sablay.
            Kalahating oras ang lumipas ng nakita kong nakabalik agad ang aking insekto, naging kulay pula ang itinali kong puting sinulid senyales na matagumpay ito sa aking iniutos. Sa bibig nito ay ang kapirasong balat ng mangkukulam na pinakuha ko dito, gagamitin ko ito sa pangalawang pag atake na mas mabagsik. Katulad sa pangkukulam maaari din kami gumamit ng manika na nilalagyan ng anu man na bahagi ng katawan ng aming biktima, ito ay para direkta naming ipahatid sa katawan nito ang mga insektong ipapadala sa kanila. Idinikit ko ang kapirasong balat sa isang manika at inusal ang dasal, pag katapos inilagay ko ang manika sa loob ng Pamaham at inutusan ang mga insekto na gumapang sa katawan ng manika, na siya din nararamdaman ngayon ng biktima. Isa pang dasal ang aking inusal at pag tapos ay iniutos sa mga insekto na pumasok na sa loob ng katawan ng biktima. Ang unang insekto ay pinapasok ko sa puwet upang magdulot ng almoranas, ang ikalawa ay pinapasok ko sa tenga upang magdulot ng matinding sakit, ang ikatlo naman ay sa ilong upang magdulot ng balingungoy o labis na pagdurugo ng ilong. Muli akong umusal ng dasal upang ipag utos na patuloy na maglakbay sa loob ng katawan ng biktima upang magdulot ng mga sugat sa mga lamang loob at tapusin na ang paghihirap ng biktima. Isinara ko ang garapon na kinalalagyan ng manika na may mga insekto, itinago ko ito sa ilalim ng aking papag. Bukas ang makukuha ko na ang kulang pang tatlong libo, isang libo doon ay para kay berto na naghatid ng kliyente na iyon.
            “Apok! Apok!” Sigaw ni berto habang patakbong lumalapit sa akin, umiinom ako ng kape habang nakaupo sa harapan ng aking kubo. “Nabalitaan mo ba yung nangyari kagabi?” Tanong ni berto habang hinahabol ang kanyang hininga, kaya sinabi ko sa kanya na hayaan muna niyang kumalma ang kanyang dibdib at iniabot ko ang tasa ng aking kape para makahigop siya ng kaunti bago niya ipagpatuloy ang sasabihin. “Si Ka Belay patay na! Nakita siya kanina ng apo niya na wala ng buhay sa loob ng bahay nila tapos.. tapos..” At humigop uli siya sa aking kape na alam kong hindi na niya balak ibalik pa. “Tapos wakwak na ang tiyan pero mukhang siya din ang humiwa dahil may hawak na duguang kutsilyo. Ang nakapagtataka may mga kakaibang insekto ang nakita sa may tiyan nito.” Humigop uli siya ng aking kape at tuluyan ng inubos ito. “Sayang nga at kakauwi lang nung isang araw ng kanyang apo. Hindi nga lang diyan natulog kagabi dahil doon daw nakitulog sa kaibigan sa kabayanan. Siya pala yung naririnig namin kagabi na sumisigaw.” Tumayo ako na may halong pagkabigla sa sarili at agad kong tinanong si berto. “Rosella ba ang pangalan ng apo ni Ka Belay?” Tumingin si berto sa akin na parang nahuhulaan na niya ang pangyayari.