Naririnig
ko sa labas ang boses ni Berto kaya naman nilabas ko siya mula sa aking maliit
na kubo. “Apok may naghahanap sayo.”
Ang sabi ng nakangiting kababata ko, siya lang ang nag iisang nagtiyaga na kumausap
sa akin dahil ang aking Ingkong ay kilalang mambabarang sa lugar namin. Siyam
na taon pa lang ako ng mapunta ako sa lugar na ito. Sabi sa akin ng aking ina
dati na magbabakasyon daw kami sa aming probinsiya, na kaming dalawa lang at
bibisitahin namin ang tatay niya. Ilang oras lang ng kami ay dumating ng
nagpaalam siya sa akin at sa ingkong ko na may bibilhin lang sa kabayanan na
hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik. Simula noon si ingkong na ang nag
alaga sa akin, at para matanggap ko ang pag ulila ng aking ina sa akin isang
mahika-negra daw o pagbabarang ang ituturo at ipapamana niya sa akin, hindi na
masamang pampalubag loob di ba. Nagtataka ako noon kung ano yung mahika-negra pero
nito lang nung mapagisip-isip ko na mahikang itim pala ang katumbas nun. Isang
mahigpit na utos ang ipinagbilin niya sa
akin bago niya ako tinuruan ng pambabarang, ito ay ang huwag na huwag ko daw
ibibigay ang tunay kong pangalan kahit kanino dahil pwede itong magamit ng mga
mortal na kaaway ng mambabarang. Ang mangkukulam. Ito daw ang dahilan kung
bakit gumagamit siya ng alyas na ingkong na ang ibig sabihin ay matanda o lolo,
binigyan din niya ako ng alyas, apok o apo na may letrang k sa dulo at ito na
daw ang gagamitin ko hanggang sa ako ay mamatay.
“Magpapagamot
daw, kinukulam daw ata siya.” Sabay turo niya sa
kasamang lalaki na nakatayo sa likuran niya. Matangkad at mukhang magandang
lahi ang pinagmulan, mukha din mayaman sa porma, magara din ang suot na damit
at mukhang galing sa maynila kaya siguro nasabi ni Berto na malaking isda.
Tiyak na mahihingan ko ito ng malaking halaga para sa serbisyo ko, minsan lang
din kasi ako tumanggap ng ganitong mga kaso, mahal kasi ang singil ko sa
kakaibang kaalaman na pinasa sa akin ng aking ingkong, pagtatanim ng iba’t
ibang uri ng gulay talagang hanap buhay ko. Ang mga naani kong gulay ay
ibinibigay ko kay berto para maibenta ng kanyang asawang si Alice sa palengke
sa kabayanan, paghahatian naman naming ang napagbentahan. “Galing na yan kay Ka Belay kaso tinanggihan, ayaw ata mapagbalingan
nung mangkukulam. Haha.” Paliwanag ni berto sa akin. Si matandang belay
talaga ang kilalang albularyo sa amin, namana naman daw niya iyon sa kanyang
ina na pinaniniwalaang mangkukulam noon. Nginitian ko si Berto at muling
tinignan ang kasama niya. Mukhang ilang araw ng puyat ang lalaki, meron din
siyang mga maliit na pantal na namumula sa mukha at mga kamay nito. “Sige pumasok ka sa loob.” Ang sabi ko
sa lalaki at sumunod ito. “Ikaw na bahala
diyan ha apok. Babalik na ako sa amin at baka hinahanap na ako ni alice,
mag-gagapas pa kasi kami nakasalubong ko lang yan palabas sa bahay ni Ka Belay.”
Pagpapaalam niya sa akin sabay kindat. Siyempre alam ko na ang ibig sabihin
ng kindat niya na yon, ang komisyon niya sa paghahatid niya ng kliyente sa
akin. Kapag natitiyempo na may hindi nagamot o tinanggihan si Ka Belay sa
kanila ay palihim niya itong kakausapin, pero siyempre hindi niya sasabihin na
sa akin dadalhin dahil baka may makadinig, alam niya ang kaakibat na
kapahamakan ng aking nalalaman at alam din niya ang kahalagahan ng aming lihim.
Sumenyas ako sa kanya ng okey at pumasok na ako sa loob.
Inalok
kong maupo ang lalaki, “Anong pangalan
mo?” Tanong ko sa kanya at umupo ako sa tapat niya, may isang maliit na
lamesita na pumapagitna sa amin. “Richard
Dela Cruz po.” Ang sagot niya sa akin, mukhang bata pa ang kanyang mukha at
nasa kalendaryo pa ang kanyang edad. Bigla siyang napangiwi sa kirot at may
tumulong dugo sa isa sa mga maliliit na pula sa mukha niya, agad niya iyon
pinunasan ng panyong hawak niya, napansin ko na hindi pantal ang mga maliliit
na pula sa mukha niya, para itong maliit na butas na tinusok tusok ng karayom. “Ay lintek hanggang dito inaatake ka, kelan
pa ba yan at ano bang ginawa mo? May kilala ka bang gagawa niyan sa iyo?”
Ang muli kong tanong sa kanya. “Mga
limang araw na po siguro, lagi pong parang tinutusok ng karayom ang ilang parte
ng katawan ko lalo na ang sa mukha, hindi na nga po ako makatulog ng maayos sa
gabi. Lagi din may mga sugat ang aking mga hita at binti sa tuwing magigising
ako sa umaga.” Itinaas niya ang suot na pantalon at nakita ko ang mga sugat
na may dalawang pulgada ang haba, ang iba ay mukhang dinapuan na ng impeksiyon.
“Sa palagay ko po ang kasambahay namin
ang may kagagawan nito, siya lang po kasi ang may galit sa akin at nag sabing
ipapakulam ako.” Muli na naman siya napangiwi sa kirot at idinaing ang
kaliwang balikat niya na nananakit. Tumayo na ako sa pagka irita sa ginagawang
pag atake, inilagay ko ang aking kanang palad sa noo niya, nagsambit ako ng
maikling dasal para maproteksiyonan siya sa ginagawang pag atake ngayon sa
kanya ng mangkukulam. “Pansamantala lang
ang proteksiyon na nilagay ko sa iyo para pigilan ang ginagawang pag atake
ngayon kasi hindi pa tayo nagkakabayaran. Sigurado akong makakahanap din ng
paraan yun para mabasag ang dasal ko.” Umupo ako ulit at tinuloy ko ang
aking pagtatanong. “Ano ang dahilan ng inyong kasambahay para gawin sayo ito?”
Umaliwalas ng bahagya ang kanyang mukha sa dasal na ginawa ko sa kanya. “Ganito po kasi iyon.” Hay.. Mukhang
panimula sa isang mahabang kwento ang agad kong naisip, naku huwag naman sana
susmaryosep! “Nagkaroon po kasi kami ng
lihim na relasyon ng aking kasambahay na si rosella, hindi po iyon alam ng
kinakasama ko pero para makuha ko siya pinangakuan ko siya na siya ang
pakakasalan at pipiliin ko kesa sa aking kinakasama. Hindi naman po ako talaga
sersyoso sa sinabi ko..... Blah! Blah! Blah!” Hindi ko na inintindi ang iba
pa niyang sinabi dahil pamilyar na ako sa ganyang mga kwento, ikakabet ang
kasama sa bahay kapag wala ang ibang kinakasama sa bahay at kapag nagsawa na
pagbibintangan na nagnakaw ng kung ano para mapalayas at hindi na mabuking ang
ginawang kalokohan. Mga taga maynila talaga! Hindi marunong makuntento sa
buhay, akala lahat ay laro, at kapag napasok sa isang problema hindi alam kung
paano lalabas. Mabuti pa ang daga kapag pumasok may gagawing labasan para alam
kung saan sila susuot, hindi tulad ng tao hindi na nga alam kung saan lalabas
wala pang paninindigan. “Bago po siya
umalis ng aming bahay galit at umiiyak niyang sinabi na ipapakulam niya ako.”
Pagtatapos niya ng kwento niya at bumalik na ulit ang atensiyon ko sa kanya. “Ok. Sige una sa lahat mahal ang serbisyo
ko, hindi ako basta albularyo. Isa akong mambabarang, higit na makapangyarihan
sa mangkukulam at mas epektibong manggagamot sa albularyo pero kailangan hindi
mo babanggitin ang mga sinabi ko sayo
ngayon kanino man. Kailangan manatili itong lihim sa pagitan nating dalawa, at
ito ang tanging kondisyon para maging matagumpay ang ating gagawin.” Hindi
naman talaga totoo na may kondisyon para maging matagumpay ang gagawin ko, nag
iingat lang ako. Mahirap na baka matulad ako sa Ingkong ko na masyadong
mayabang, nung minsan na masayaran ng alak ang lalamunan at nasobrahan
naipagsabi ang pangalan niya hinamon ng away si Kapitan. Iyon ilang araw lang
kung ano anong sakit ang dumapo sa kanya pero siniguro niya na lintek lang ang
walang ganti. Dalawang mangkukulam daw at isang mambabarang din ang umaatake sa
kanya. Mabuti na lang at naituro na niya sa akin noon ang lahat ng kailangan
kong malaman. “Anim na libo ang isisingil
ko sa iyo, ibibigay mo ngayon ang kalahati at ihahatid mo din dito bukas ang
kulang pa. Sinisigurado ko sa iyo na bukas tapos na ang problema mo.”
Walang angal siyang umuo sa akin at iniabot ang tatlong libo, hiningi ko rin
ang kanyang panyo na ipinupunas niya sa mga sugat niya kanina, kakailanganin ko
iyon upang matukoy ang kalaban ang sabi ko sa kanya. Inihatid ko siya palabas
ng aking kubo, at sa daan isang kotse na kulay abo pala ang naghihintay sa
kanya.
Nag
aagaw na ang dilim at liwanag pero mas nanalo ang dilim dahil malapit na ang
gabi ng ako ay makauwi sa aking kubo, galing ako sa masukal na bahagi ng
kagubatan para manghuli ng mga kailangan ko sa pambabarang ngayong gabi. Hindi
tulad sa pangkukulam na mga sumpa at pag-gamit ng manika na may hibla ng buhok
ng kukulamin o kung ano mang bagay na pag-aari nito para saktan ang kanilang
biktima, paggamit ng kakaibang insekto ang aming gawain o Pamaham kung aming tawagin. Mga insektong inaalihan ng mga masamang espiritu o elementong engkanto na naghahangad
ng kapahamakan ng iba ang mga hinuhuli at inaalagaan namin, sa
isang garapon o bahagi ng kawayan inilalagay pagkatapos ay pakakainin ng mga itim na ugat ng isang uri ng halamang
gamot na may dasal. Ito ay para mapasunod sa kahit anong ipaguutos dito.
Maraming paraan ang paggamit sa Pamaham pero
ang pagtali ng puting sinulid sa isa sa paa ng insekto ang aking unang hakbang.
Isa itong mabisang hakbang kapag wala ka pang alam sa iyong kalaban, dinasalan
ko ang insekto at inilapag sa panyo ng biktima at muli kong dinasalan,
pinakawalan ko ang insekto sa gabi ng isang lagim. Ito mismo ang pupunta sa
kinaroroonan ng aking tudlaan at gagawa ng unang pag atake, kapag ito ay
nagbalik na nag kulay pula ang sinulid, matagumpay nitong naisagawa ang aking
utos at kapag itim naman ito ay sablay.
Kalahating
oras ang lumipas ng nakita kong nakabalik agad ang aking insekto, naging kulay
pula ang itinali kong puting sinulid senyales na matagumpay ito sa aking
iniutos. Sa bibig nito ay ang kapirasong balat ng mangkukulam na pinakuha ko
dito, gagamitin ko ito sa pangalawang pag atake na mas mabagsik. Katulad sa
pangkukulam maaari din kami gumamit ng manika na nilalagyan ng anu man na
bahagi ng katawan ng aming biktima, ito ay para direkta naming ipahatid sa
katawan nito ang mga insektong ipapadala sa kanila. Idinikit ko ang kapirasong
balat sa isang manika at inusal ang dasal, pag katapos inilagay ko ang manika
sa loob ng Pamaham at inutusan ang mga
insekto na gumapang sa katawan ng manika, na siya din nararamdaman ngayon ng
biktima. Isa pang dasal ang aking inusal at pag tapos ay iniutos sa mga insekto
na pumasok na sa loob ng katawan ng biktima. Ang unang insekto ay pinapasok ko
sa puwet upang magdulot ng almoranas, ang ikalawa ay pinapasok ko sa tenga
upang magdulot ng matinding sakit, ang ikatlo naman ay sa ilong upang magdulot
ng balingungoy o labis na pagdurugo ng ilong. Muli akong umusal ng dasal upang
ipag utos na patuloy na maglakbay sa loob ng katawan ng biktima upang magdulot
ng mga sugat sa mga lamang loob at tapusin na ang paghihirap ng biktima.
Isinara ko ang garapon na kinalalagyan ng manika na may mga insekto, itinago ko
ito sa ilalim ng aking papag. Bukas ang makukuha ko na ang kulang pang tatlong
libo, isang libo doon ay para kay berto na naghatid ng kliyente na iyon.
“Apok! Apok!” Sigaw ni berto habang
patakbong lumalapit sa akin, umiinom ako ng kape habang nakaupo sa harapan ng
aking kubo. “Nabalitaan mo ba yung
nangyari kagabi?” Tanong ni berto habang hinahabol ang kanyang hininga,
kaya sinabi ko sa kanya na hayaan muna niyang kumalma ang kanyang dibdib at
iniabot ko ang tasa ng aking kape para makahigop siya ng kaunti bago niya
ipagpatuloy ang sasabihin. “Si Ka Belay
patay na! Nakita siya kanina ng apo niya na wala ng buhay sa loob ng bahay nila
tapos.. tapos..” At humigop uli siya sa aking kape na alam kong hindi na
niya balak ibalik pa. “Tapos wakwak na
ang tiyan pero mukhang siya din ang humiwa dahil may hawak na duguang kutsilyo.
Ang nakapagtataka may mga kakaibang insekto ang nakita sa may tiyan nito.”
Humigop uli siya ng aking kape at tuluyan ng inubos ito. “Sayang nga at kakauwi lang nung isang araw ng kanyang apo. Hindi nga
lang diyan natulog kagabi dahil doon daw nakitulog sa kaibigan sa kabayanan.
Siya pala yung naririnig namin kagabi na sumisigaw.” Tumayo ako na may
halong pagkabigla sa sarili at agad kong tinanong si berto. “Rosella ba ang pangalan ng apo ni Ka
Belay?” Tumingin si berto sa akin na parang nahuhulaan na niya ang
pangyayari.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento