![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEh1JxHr8EPdLLm2Sv9r5BOq4KgWmTRcuVJmsxqj1ofTbaajX132kEwqlmIdeDDz_k0x0jqlh9DMxbtDV5B4Yp-R1Qbn2A2o5wsvkjRWEiAkRDMfMEO2iJ2hUk4ZU-HjVVxCkQYQPj0ZP6_q/s320/IMG-20120924-01061_1348473499972_n.jpg)
Sa kaliwa ay
si joseph makamundo, nakasuot ng kulay bughaw na polo shirt at naka pantalon ng
itim na makintab at madulas. Galing siya sa paghahanap ng matinong trabaho at sa
tatlong buwan na inubos niya dito, kahit isa walang nagka-interes sa kanya
dahil tanging mataas na paaralan lang natapos niya at hindi pa nakakabulag ang
pangalan ng eskwelahan na pinanggalingan niya. Idagdag mo pa na hindi siya
katangkaran na lalong nagpapahirap sa paghahanap niya. Hindi din niya mailagay
ang mga pinasukan niyang trabaho sa kanyang resume katulad ng maging taga-silbi
siya ng dalawang taon sa isang maliit na karendirya, at maging waiter ng
tatlong taon sa isang maliit na bar dahil sa hindi siya mabibigyan ng “Certificate
of Employee” ng mga ito dahil hindi mga nakarehistro sa musipyo. Ginusto niyang
makahanap ng bagong trabaho na may mas mataas na sahod para sa kanyang magiging
pamilya ngayon, pero nagiging malupit ang tadhana sa kanya, gusto niya baguhin
ang kapalaran niya pero mukhang ito mismo ang pumipigil sa kanya. Naubos na
niya ang perang naitatabi sa loob ng tatlong buwan na pakikipagsapalaran, wala
na siyang magagamit na pamasahe, pang seroks ng resume niya, tubig at tinapay
na ilalaman niya sa maghapong paghahanap niya sa araw na iyon. Higit sa lahat
wala na siyang ipambibili ng makakain nila bukas at sa mga susunod na araw,
sigurado kapag umuwi siya magdudugo at madudurog nanaman ang kanyang damdamin
sa mga salitang bibitawan ng kanyang kinakasama. Malupit ang mundo pero para sa
kanya mas malupit ang mundo sa mga katulad niyang nabubuhay na may magulang na
hikahos kaya hindi nakayanan na pag aralin siya sa kolehiyo dahil siyam silang
magkakapatid, na ang trabaho na kayang mapasukan lang ay may sahod sa isang
araw na kulang pang pangkain sa isang araw at sa mga tulad niyang nagnanais
baguhin ang kanyang kapalaran sa isang mundo na pinapatakbo ng mga taong may mga lihim na kasakiman sa buhay.
Sa kanan ay
isang lalaki na baliko ang ilong, natatakpan ng natuyong dugo ang kanang mata. Nahuli niya ang kinakasama na
may kasiping na iba ng mapaaga siya ng pag uwi, sa kanilang kwarto niya
naabutan ang dalawa at sa galit niya pinagmumura niya ang mga ito. Tinangka
niya na bugbugin ang tampalasan na lalaki ngunit siya ang napuruhan, isang
malakas na suntok at nabali ang ilong niya, isa pa at pumutok ang kilay niya at
umagos ang dugo sa mata niya. Inawat ng kanyang kinakasama ang lalaki at
ipinagtabuyan siya palabas, inihagis sa kanya ang ilan sa mga damit niya at
pinagsarhan ng pinto sa apartment nila, na isang taon at tatlong buwan niya
hinilugan, narinig pa niya ang lalaki na trycicle driver sa kanilang lugar na
tumawa ng malakas at ang paghalinling ng kanyang kinakasama. Nakilala niya si
gina o si karen, Katrina o katerine sa gabi sa pinapasukang bar dati, hindi
niya maisip kung bakit ginawa iyon sa kanya ng babaeng pinakamamahal dahil
halos lahat ng hilingin nito ay ibinibigay niya sa abot ng kanyang makakaya.
Kapos man sila sa pera sinisigurado niya na hindi nagugutom at nakakaen ng apat
na beses ang mahal niya kahit na ang kanya ay dalawa o isang beses lang, hindi
din niya hinahayaan na magasgasan ang mga kamay nito sa paglalaba o mapaso sa
pagluluto dahil laging lutong ulam ang binibili nila kapag hindi siya nakakapagluto.
Lahat ng nagawa niya ay kulang pa din sa kanyang minamahal, mukhang may sakit
din ito na hindi marunong makuntento na madalas nakikita niya sa karamihan ng mga
tao, may narinig siya dati na ang pag-ibig daw ay parang bahay, nasisira din
pag-lipas ng panahon kaya kailangan lumipat o gumawa ng bago pero para sa kanya
noon naka depende pa din sa pag-aalaga ng bahay kung hahayaang masira, ngayon
alam na niya na mahirap alagaan ang isang malaking bahay kung mag-isa ka lang
na nag-aalaga dito.
Nagkataon na
nagkasabay ang dalawa sa isang layunin sa parehong oras, araw at lugar, eto rin
naman ang kakahantungan nila pagsapit ng tamang pagkakataon bakit kailangan pa
nilang patagalin at maranasan pa ang iba pang mga pasakit na nakatadhana sa
kanila. Pinagmamasdan nila ngayon ang mga ilaw ng mga mabibilis na sasakyan
dumadaan sa kalsadang babagsakan nila ng mapansin nila ang isang lalaking
nakatayo at nakatingin sa kanila.
Isang lalaki na may mahabang buhok na mukhang
isang taon hindi nagupitan at nasuklayan, baliko ang ilong at may malaking
pilat sa kanang mata, nakasuot ng madumi at sira sirang polo shirt na kulay
bughaw, madami na din punit ang suot na itim na pantalon at hindi na makintab
at madulas dahil sa duming nakadikit dito, nanlalagkit ang itsura dahil sa
kulang isang taon niyang pagpapalaboy laboy sa kalsada. Nakatingin
siya sa itaas ng billboard kung saan siya galing kanina, alam niya na ngayon na
hindi niya dapat sayangin ang buhay niya dahil lang sa mga hamon nito sa kanya
at ito dapat ang magturo sa kanya na magpakatatag at hindi ang bumigay sa
suliranin. Naalala niya ang mensaheng nabasa niya sa billboard kanina bago siya
umakyat na hindi niya binigyan ng pansin, “In God We Trust” naiintindihan na
niya ngayon ito, marahil may ibang balak pa sa kanya ang panginoon na mas
maganda at inilayo rin siya sa babaeng haliparot na iyon dahil bibigyan siya ng
mas karapatdapat sa kanya. Kailangan lang niya na magtiwala at maghintay, paghahandaan
niya ang babaeng para sa kanya kaya susubukan niya na bumalik sa karendirya ng
kanyang tiyahin at magsisimula ulit, handa na siya ngayon . Tanggap na din niya
ngayon na ang buhay ay puno ng mga suliranin at paghihirap, at nasasaiyo kung
paano mo haharapin, tatanggapin, lulunasan at hahanapin ang mga bagay na
makakapagpaligaya sa iyo bago dumating sa katapusan o kunin ng kung sino man
ang buhay mo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento