Linggo, Setyembre 23, 2012

Kwento (Ang Manunubos)


          Sa isang hindi ko alam na bundok, meron isang mandirigmang may pangalan na danakal ang kinatatakutan  ng mga rebelde dahil kilala siyang taga kolekta ng mga perang nakapatong sa kanilang ulo, gamit niya ang apat na punyal na may habang pitong pulgada at bawat isa ay nagtataglay ng lason, galing ito sa daan daang alakdan. Kapag tinamaan ka o madaplisan man lang siguradong mapaparalisa agad ang iyong katawan, unti unti titigil sa pagtratrabaho ang iyong mga baga at puso hanggang sa ito na ang maging dahilan ng kamatayan ng kanyang mga biktima, kukunin nya ang mga ulo nito para ipagpalit sa gantimpalang nakapatong dito. Malaki ang galit niya sa rebelde dahil ito ang naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang magulang at pagkasunog ng kanilang baryo.
          Isang daan na pilak at sampung ginto ang halaga ng ulo ang kanyang tudla ngayong araw, isang nagngangalan na alutnarat ang kanyang pupuntahan sa kilalang lugar na pinagtataguan nito, eksperto ito sa pananambang at gumagamit ng sumpak na may lason. Hindi niya napansin ang mga pisi na nakakalat sa nilalakaran niya at ilang segundo lang isang bala galing sa sumpak ni alutnarat ang tumama sa binti niya pero nahagip ng kanyang mga mata ang pinanggalingan kaya agad niyang naibato ang isa sa apat niyang punyal na nakalagay sa kanyang likuran ngunit sa kasamaang palad tanging sa puno lang ng pinagtataguan ni alutnarat dumaplis ang punyal, agad na tinakbo ni danakal si alutnarat hawak sa magkabilang kamay ang kanyang punyal at isang malakas na wasiwas ng punyal sa kaliwang kamay niya ang kanyang pinakawalan ngunit agad na nakaatras paiwas si alutnarat at isinubo sa bibig ang kanyang sumpak sabay buga ng malakas dito, nakita ni danakal ang gagawing pag-atake  pero mas pinili niya na sabayan ito dahil alam niya na hindi iyon ang inaasahan ng kanyang kalaban kaya ibinato niya ang punyal sa kanan niyang kamay, sa kaliwa niyang balikat tumama ang bala ng sumpak habang sa kanang braso ng kalaban tumama ang kanyang punyal.
          Naramdaman niya agad ang epekto ng lason sa mga bala ng sumpak dahil namamanhid na ang mga parte na tinamaan nito pero kaya pa niyang maigalaw dahil hindi kasing makamandag katulad ng sa kanya ang gamit na lason ni alutnarat, agad niyang kinuha sa kanyang likuran ang natitira pa niyang punyal habang nakangiti at pinagmamasdan ang paralisado ng kanang kamay ng kanyang biktima. Gusto niya sanang patagalin pa ang laban para kumalat ng husto ang lason sa katawan ng kanyang biktima at ito na rin ang tumapos dito pero may mga lason din sa katawan niya na dapat niyang lunasan at mukhang wala ding balak patagalin ng kanyang kalaban ang laban.
        Napansin ni alutnarat ang kinatatayuan ni danakal, hinugot niya ang punyal ni danakal at pinutol ang isang pisi na nasa gilid niya at biglang isang malaking troso na mula sa taas ang dumausdos papunta kay danakal at puminsala sa kaliwang kamay na pinangsalag nito, tumalsik si danakal sa lugar kung saan nakahanda ang ikalawa niyang patibong, pinuntahan niya ang pisi at pinutol na naging dahilan ng pag sabog ng kinaroroonan ni danakal. Sumasang ayon ang lahat sa plano niya, ang pag sunod ni danakal sa pinagtataguan niya kanina kung saan naka pwesto ang kanyang mga patibong, dahil naniniwala siya na mas pinapaboran ng swerte ang mga nakapaghanda at kapag mas pinaboran ka ng swerte mas malaki ang tiyansa mo na manalo. Pupuntahan na niya ang ikatlong pisi ng kanyang patibong ng biglang lumala ang pagsikip ng kanyang dibdib, nararamdaman nadin niya ang pagbagal ng pagtibok ng kanyang puso at pamamanhid ng kanyang utak, hindi kasama sa plano at hindi niya inaasahan ang pagsabay ni danakal sa atake niya kanina.
          Napinsala man ng husto si danakal sa mga patibong, nakita niya sa mukha ni alutnarat na kumakalat na ng husto ang lason kaya di siya nag aksaya ng panahon dinampot niya ang mga nabitawang mga punyal at tinakbo ang kinaroroonan ng kalaban, ibinato niya ang isang punyal sa kaliwa ni alutnarat at  inabangan sa kanan ang gagawing pag iwas upang doon gumawa ng isa pang pag atake, pero bago pa tuluyang tumama ang punyal bumagsak na si alutnarat at hindi na nito maigalaw ang buong katawan, sa pagkakataon na iyon alam ni danakal na nagtagumpay na siya. Wala na siyang oras dahil kumakalat na rin ang lason sa kanyang katawan kaya upang mapabilis ang pagkalat ng lason sa biktima tinarak niya sa likuran nito ang hawak pa na punyal, ilang minuto lang ay nalagutan na ng hininga si alutnarat, hinugot niya ang kanyang punyal at sinimulang ihiwalay sa ulo ang katawan, isinilid niya ang ulo sa lalagyan na dala at ipinunas ang punyal sa damit ng biktima upang matanggal ang dugo, isinuksok niya sa likod kung nasaan ang iba pa niyang punyal na mga dinampot na niya habang hinihintay ang pagkamatay ng kanyang biktima.
          Narating niya ang ilog kung saan kailangan niyang makatawid upang mapuntahan ang isang ermitanyo na kilala sa paggawa ng mga gamot gamit ang iba’t ibang uri ng halaman, alam niya na magagawan nito ng lunas ang kumakalat na lason sa kanyang katawan pero kakailanganin niya muna makarating sa kabila. Hindi niya malalangoy ang ilog dahil bukod sa malalim ito ay malakas ang agos, isa pa wala nadin sa kondisyon ang kanyang katawan sa pinsalang natamo at sa lason na lalong nagpapahirap sa kanya. Hindi niya inaasahan na napaghandaan ng kanyang biktima ang mga tulad niyang manunubos, buti na lang at nangibabaw ang kahusayan niya sa pakikipaglaban  dahil na din sa araw araw niyang pag eensayo.
          Tumingin siya sa paligid upang humanap ng paraan para makatawid sa kabila ng hindi lumalangoy, isang lalaking ang naka upo sa isang bangkang nakadaong ang nakita niya sa di kalayuan at agad niya itong nilapitan, tinanong niya ito kung ano ang pangalan nito at kung maihahatid siya ng Bangka nito sa kabila. Magiliw naman na sumagot ang lalaki na lapaka ang kanyang pangalan pero hindi niya maihahatid ang isa ng walang kapalit,  kaya naman pitong  pilak ang alok ni danakal kay lapaka sinadya niya na sobrahan kaya naman hindi na nakatanggi ang isa pero napansin ni lapaka ang mga punyal sa likod ni danakal at agad na naitanong kung isa siyang manunubos, sumagot naman siya ng oo at tanging mga rebelde lang ang kanyang pinapatay.
          Hindi kayang pagkatiwalaan ni lapaka ang mga katulad ni danakal, paano nga naman kung bigla siyang paslangin nito at kuhain ang kanyang bangka habang sila ay nasa gitna na ng ilog pero pagsisiguro ni danakal sa kanya na hindi iyon gagawin dahil mahina na ang katawan nito para kayanin pang magsagwan sa isang ilog na may malakas na agos, ngunit paano kung nasa malapit na sila sa kabilang pangpang at doon isagawa ang pagpaslang sa kanya ang protesta pa rin ni lapaka. Hindi niya magagawa ang sabi ni danakal pagsisiguro pa rin niya dahil sa oras na iyon ay magkakaroon na siya ng utang na loob sa kanya at upang tuluyan na siyang mapapayag itinaas sa labing limang pilak ang ibabayad sa kanya. Pumayag siya dahil mukhang mahina nga ang katawan nito at madaming sugat, makakaya niyang maipagtanggol ang sarili.
          Nang sila ay nasa gitna na ng ilog tinanong ni danakal kung bakit takot siya sa isang manunubos na katulad niya, mas dapat nga naman katakutan ang mga rebelde na walang awang pumapaslang, at sumusunog ng mga baryong kanilang pinagnanakawan. Hindi takot sa mga rebelde si lapaka sa kadahilanang dati rin siyang rebelde at ang mga paraan ng pamumuhay ng mga ito ang naging dahilan ng pag tiwalag niya dito at mamuhay bilang isang bangkero sa ilog na ito.
          Biglang kumulo ang dugo ni danakal at nagdilim ang paningin, sinugod niya si lapaka ngunit nahampas siya agad ng sagwan nito pero agad niyang hinawakan ang sagwan at kumuha ng punyal na itinarak sa dibdib ng bankero. Bakit ang tanging tanong ni lapaka kay danakal, galit si danakal sa rebelde at sa paningin niya saan man niya tignan isa pa ding rebelde si lapaka at dumadaloy sa dugo niya ang dugo ng isang manunubos. Kumuha ulit siya ng isa pang punyal upang ibaon ng biglang humawak si lapaka sa magkabilang gilid ng bangka at iginewang gewang na naging dahilan ng kanilang pagtaob at ikinalunod nilang dalawa.   



*NOTE: Ang kwentong ito ay hango sa pabulang "Ang Alakdan at Ang Palaka". Sinubukan kong ikwento sa ibang paraan at lagyan ng kakaibang atake.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento