“Tatlong Kahilingan”
Nakauwi na siya,
naibenta na niya ang mga bakal, plastic at mga bote na nakalakal niya kanina.
Isang bote na kulay berde ang hindi niya isinama dahil sa kakaiba nitong
itsura, kasama niya itong iniuwi sa kanila. Sa loob ng kanyang munting
barong-barong tinanggal ang takip ng kakaibang bote, kasunod nito ang paglabas
ng manipis na usok at nagkorteng tao. Tatlong kahilingan ang ibibigay sa
kanya ng usok na korteng tao upang
makalaya ito sa sumpa ng isang pulubi na tinanggihan niyang bigyan ng tulong
kaya ikinulong siya sa mahiwagang bote. Napangiti siya sa di maipaliwanag
na kagalakan na nararamdaman. Para sa
una niyang kahilingan, bahay! Isang malaki at napakagandang bahay. Sa isang kurap ay na sa loob na siya
ng isa sa mga mamahalin na bahay sa isang exclusive na subdivision. Para sa
ikalawa niyang kahilingan, pera! Bigyan mo ako ng maraming pera, maraming
maraming pera. Sa isang kurap ay isang daang sako na puno ng mga pera ang kanya
ng katabi. Walang mapaglagyan ang ngiti niya sa kanyang mukha, napansin niya na
abot tenga din ang ngiti ng usok na korteng tao na kaharap niya. Biglang naging
seryoso ang kanyang mukha, at para sa kanyang ikatlong kahilingan, nakita niya
ang hindi mapigil na kasiyahan ng kanyang kaharap, ngumiti siya, isang ngiting
puno ng kasakiman. “Para sa aking ikatlong kahilingan, bigyan mo pa ulit ako ng
tatlo pang kahilingan para iyong tuparin. At para sa aking kahilingan ulit,
kotse! Ibigay mo sa akin ang pinakamahal na kotse, para sa ikalawa kong
kahilingan, gusto kong mapaligiran ng mga seksi at magagandang babaeng
taga-sunod, at siyempre para sa aking ikatlong kahilingan ay tatlo pang
kahilingan para iyong tuparin”. Bumalot sa loob ng isang maganda at
napakalaking bahay ang halakhak ng kasakiman at kasamaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento