Sa isang hindi
ko alam na bundok, meron isang mandirigmang may pangalan na danakal ang kinatatakutan ng mga rebelde dahil kilala siyang taga
kolekta ng mga perang nakapatong sa kanilang ulo, gamit niya ang apat na punyal
na may habang pitong pulgada at bawat isa ay nagtataglay ng lason, galing ito
sa daan daang alakdan. Kapag tinamaan ka o madaplisan man lang siguradong
mapaparalisa agad ang iyong katawan, unti unti titigil sa pagtratrabaho ang
iyong mga baga at puso hanggang sa ito na ang maging dahilan ng kamatayan ng
kanyang mga biktima, kukunin nya ang mga ulo nito para ipagpalit sa gantimpalang
nakapatong dito. Malaki ang galit niya sa rebelde dahil ito ang naging dahilan
ng pagkamatay ng kanyang magulang at pagkasunog ng kanilang baryo.
Isang daan na
pilak at sampung ginto ang halaga ng ulo ang kanyang tudla ngayong araw, isang
nagngangalan na alutnarat ang kanyang pupuntahan sa kilalang lugar na
pinagtataguan nito, eksperto ito sa pananambang at gumagamit ng sumpak na may
lason. Hindi niya napansin ang mga pisi na nakakalat sa nilalakaran niya at
ilang segundo lang isang bala galing sa sumpak ni alutnarat ang tumama sa binti
niya pero nahagip ng kanyang mga mata ang pinanggalingan kaya agad niyang
naibato ang isa sa apat niyang punyal na nakalagay sa kanyang likuran ngunit sa
kasamaang palad tanging sa puno lang ng pinagtataguan ni alutnarat dumaplis ang
punyal, agad na tinakbo ni danakal si alutnarat hawak sa magkabilang kamay ang
kanyang punyal at isang malakas na wasiwas ng punyal sa kaliwang kamay niya ang
kanyang pinakawalan ngunit agad na nakaatras paiwas si alutnarat at isinubo sa
bibig ang kanyang sumpak sabay buga ng malakas dito, nakita ni danakal ang
gagawing pag-atake pero mas pinili niya
na sabayan ito dahil alam niya na hindi iyon ang inaasahan ng kanyang kalaban
kaya ibinato niya ang punyal sa kanan niyang kamay, sa kaliwa niyang balikat
tumama ang bala ng sumpak habang sa kanang braso ng kalaban tumama ang kanyang
punyal.
Naramdaman niya
agad ang epekto ng lason sa mga bala ng sumpak dahil namamanhid na ang mga
parte na tinamaan nito pero kaya pa niyang maigalaw dahil hindi kasing
makamandag katulad ng sa kanya ang gamit na lason ni alutnarat, agad niyang
kinuha sa kanyang likuran ang natitira pa niyang punyal habang nakangiti at
pinagmamasdan ang paralisado ng kanang kamay ng kanyang biktima. Gusto niya
sanang patagalin pa ang laban para kumalat ng husto ang lason sa katawan ng
kanyang biktima at ito na rin ang tumapos dito pero may mga lason din sa
katawan niya na dapat niyang lunasan at mukhang wala ding balak patagalin ng
kanyang kalaban ang laban.
Napansin ni
alutnarat ang kinatatayuan ni danakal, hinugot niya ang punyal ni danakal at
pinutol ang isang pisi na nasa gilid niya at biglang isang malaking troso na
mula sa taas ang dumausdos papunta kay danakal at puminsala sa kaliwang kamay
na pinangsalag nito, tumalsik si danakal sa lugar kung saan nakahanda ang
ikalawa niyang patibong, pinuntahan niya ang pisi at pinutol na naging dahilan
ng pag sabog ng kinaroroonan ni danakal. Sumasang ayon ang lahat sa plano niya,
ang pag sunod ni danakal sa pinagtataguan niya kanina kung saan naka pwesto ang
kanyang mga patibong, dahil naniniwala siya na mas pinapaboran ng swerte ang
mga nakapaghanda at kapag mas pinaboran ka ng swerte mas malaki ang tiyansa mo
na manalo. Pupuntahan na niya ang ikatlong pisi ng kanyang patibong ng biglang
lumala ang pagsikip ng kanyang dibdib, nararamdaman nadin niya ang pagbagal ng
pagtibok ng kanyang puso at pamamanhid ng kanyang utak, hindi kasama sa plano
at hindi niya inaasahan ang pagsabay ni danakal sa atake niya kanina.
Napinsala man ng husto si danakal sa mga
patibong, nakita niya sa mukha ni alutnarat na kumakalat na ng husto ang lason
kaya di siya nag aksaya ng panahon dinampot niya ang mga nabitawang mga punyal
at tinakbo ang kinaroroonan ng kalaban, ibinato niya ang isang punyal sa kaliwa
ni alutnarat at inabangan sa kanan ang
gagawing pag iwas upang doon gumawa ng isa pang pag atake, pero bago pa
tuluyang tumama ang punyal bumagsak na si alutnarat at hindi na nito maigalaw
ang buong katawan, sa pagkakataon na iyon alam ni danakal na nagtagumpay na
siya. Wala na siyang oras dahil kumakalat na rin ang lason sa kanyang katawan
kaya upang mapabilis ang pagkalat ng lason sa biktima tinarak niya sa likuran
nito ang hawak pa na punyal, ilang minuto lang ay nalagutan na ng hininga si
alutnarat, hinugot niya ang kanyang punyal at sinimulang ihiwalay sa ulo ang
katawan, isinilid niya ang ulo sa lalagyan na dala at ipinunas ang punyal sa
damit ng biktima upang matanggal ang dugo, isinuksok niya sa likod kung nasaan
ang iba pa niyang punyal na mga dinampot na niya habang hinihintay ang
pagkamatay ng kanyang biktima.
Narating niya ang ilog kung saan kailangan
niyang makatawid upang mapuntahan ang isang ermitanyo na kilala sa paggawa ng
mga gamot gamit ang iba’t ibang uri ng halaman, alam niya na magagawan nito ng
lunas ang kumakalat na lason sa kanyang katawan pero kakailanganin niya muna
makarating sa kabila. Hindi niya malalangoy ang ilog dahil bukod sa malalim ito
ay malakas ang agos, isa pa wala nadin sa kondisyon ang kanyang katawan sa
pinsalang natamo at sa lason na lalong nagpapahirap sa kanya. Hindi niya
inaasahan na napaghandaan ng kanyang biktima ang mga tulad niyang manunubos,
buti na lang at nangibabaw ang kahusayan niya sa pakikipaglaban dahil na din sa araw araw niyang pag eensayo.
Tumingin siya
sa paligid upang humanap ng paraan para makatawid sa kabila ng hindi lumalangoy,
isang lalaking ang naka upo sa isang bangkang nakadaong ang nakita niya sa di
kalayuan at agad niya itong nilapitan, tinanong niya ito kung ano ang pangalan
nito at kung maihahatid siya ng Bangka nito sa kabila. Magiliw naman na sumagot
ang lalaki na lapaka ang kanyang pangalan pero hindi niya maihahatid ang isa ng
walang kapalit, kaya naman pitong pilak ang alok ni danakal kay lapaka sinadya
niya na sobrahan kaya naman hindi na nakatanggi ang isa pero napansin ni lapaka
ang mga punyal sa likod ni danakal at agad na naitanong kung isa siyang
manunubos, sumagot naman siya ng oo at tanging mga rebelde lang ang kanyang
pinapatay.
Hindi kayang
pagkatiwalaan ni lapaka ang mga katulad ni danakal, paano nga naman kung bigla
siyang paslangin nito at kuhain ang kanyang bangka habang sila ay nasa gitna na
ng ilog pero pagsisiguro ni danakal sa kanya na hindi iyon gagawin dahil mahina
na ang katawan nito para kayanin pang magsagwan sa isang ilog na may malakas na
agos, ngunit paano kung nasa malapit na sila sa kabilang pangpang at doon
isagawa ang pagpaslang sa kanya ang protesta pa rin ni lapaka. Hindi niya magagawa
ang sabi ni danakal pagsisiguro pa rin niya dahil sa oras na iyon ay
magkakaroon na siya ng utang na loob sa kanya at upang tuluyan na siyang
mapapayag itinaas sa labing limang pilak ang ibabayad sa kanya. Pumayag siya
dahil mukhang mahina nga ang katawan nito at madaming sugat, makakaya niyang
maipagtanggol ang sarili.
Nang sila ay
nasa gitna na ng ilog tinanong ni danakal kung bakit takot siya sa isang
manunubos na katulad niya, mas dapat nga naman katakutan ang mga rebelde na
walang awang pumapaslang, at sumusunog ng mga baryong kanilang pinagnanakawan.
Hindi takot sa mga rebelde si lapaka sa kadahilanang dati rin siyang rebelde at
ang mga paraan ng pamumuhay ng mga ito ang naging dahilan ng pag tiwalag niya dito
at mamuhay bilang isang bangkero sa ilog na ito.
Biglang kumulo
ang dugo ni danakal at nagdilim ang paningin, sinugod niya si lapaka ngunit
nahampas siya agad ng sagwan nito pero agad niyang hinawakan ang sagwan at kumuha
ng punyal na itinarak sa dibdib ng bankero. Bakit ang tanging tanong ni lapaka
kay danakal, galit si danakal sa rebelde at sa paningin niya saan man niya
tignan isa pa ding rebelde si lapaka at dumadaloy sa dugo niya ang dugo ng
isang manunubos. Kumuha ulit siya ng isa pang punyal upang ibaon ng biglang
humawak si lapaka sa magkabilang gilid ng bangka at iginewang gewang na naging dahilan
ng kanilang pagtaob at ikinalunod nilang dalawa.
*NOTE: Ang kwentong ito ay hango sa pabulang "Ang Alakdan at Ang Palaka". Sinubukan kong ikwento sa ibang paraan at lagyan ng kakaibang atake.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento